Followers

Wednesday, August 21, 2013

You're Really The One (Chapter 8)



NOTE FROM THE AUTHOR: Ang kabanata na ito ay itutuloy sa paglalahad ni Rich. Dito natin malalaman ang kanyang tunay na saloobin. Muli maraming salamat po sa mga magagandang reviews. Susubukin ko ang aking sarili upang makabuo ng mas magaganda pang mga kuwentong pag-ibig. Muli, maraming salamat po sa uulitin.

The Side of Rich

                Ang buhay talaga ay sadyang mapaglaro. Ang buhay ay hindi patas. Minsan may ninanais tayong gawin sa buhay upang mapa-ayos ang ating kalagayan ngunit ang ninanais natin na iyon ay isa din pala sa magmimitsa ng mas magulong daloy  ng ating pamumuhay. Minsan  din ay gumagawa tayo ng mga bagay na sa alam natin ay tama, subalit mayroon din pala ang maaapektuhan at ang mas mahirap ay isa ka sa mga maghiihrap sa iyong maling desisyon.

                Oo, alam ko ang iniisip ninyo sa akin. Alam ko na masyadong mabilis ang lahat, nagkaroon ng kasintahan ng wala pang ilang buwan ang lumilipas, hindi ko binibigyang importansya ang aking mga kaibigan o kung anu-ano pa ang mga umiikot sa inyong balintataw. Kung iniisip ninyo na napakarami ang mali sa ginawa ko puwes oo, inaamin ko. Kahit ako sa sarili ko ay aminado ako. Sa totoo lang, nagsisisi ako at hiniling na sana ay hindi na nangyari ang lahat. Hindi lamang isa o dalawa kundi tatlo, isama na natin ang kaibigan kong si Kyle. Ngayon ay hayaan ninyo akong magpaliwanag sa inyo at sana ay may makaintindi sa aking ipapaliwanag. Hindi ko pinipilit ang lahat na makinig sa akin ngunit ito po ang aking  pagkakataon upang ilahad ang lahat-lahat. Nawa’y makuha ko ang inyong atensiyon.

                Noong malaman ko na mayroong pagtingin sa akin si Jam ay hindi ko maintindihan ang aking nararamdaman. Para bang may nagtatalo sa aking kalooban. Oo, nahahalata ko ang kanyang mga kilos sa tuwing magkasama kami. Sa totoo lang ay nakikiramdam ako sa kanya, ang bawat tingin niya, mga paalala niya, pati ang kanyang mga kilos at galaw ay napapansin ko. Inaamin ko, nahuhulog na din ako sa kanya. Paano ba namang hindi? Nasa kanya na ang lahat, matalino, mabait, malambing, mapag-alala, halos kulang na lang ang ibigay ko ang sarili ko sa kanya. Inaamin ko na posible akong mahulog sa kanya. Ang akala ko noon na pang-kaibigan lang ang ang aking nararamdaman ay hindi pala. Habang magkasama kami ng matagal ay napapagtanto ko sa aking balintataw na kakaiba iyon at hindi iyon ang pakiramdam ng hanggang sa kaibigan lang. Oo ipagtatapat ko na sa inyo, mahal ko din si Jam.

                Ngunit may gumugulo sa akin, iyon ay kung tama ba ang mahalin ko siya. Lalake ang tingin ko sa kaibigan ko, matuwid na lalaki. Natatakot din akong umamin ng aking lihim na pagtingin dahil baka mabigo lang din ako.  At kahit na magtapat ako ng pagmamahal ay hindi maaring maging kami talaga. Parehas kami ng kasarian, lalake siya at lalake ako. Oo naiintindihan ko si Kyle sa kanyang lagay, ngunit sa amin ni Jam? Sino ang tatayong babae sa amin at sinong tatayong lalake? Mukhang imposible ang ganoong pagmamahal gayong parehas kaming umaakto sa lugar ng pagkalalaki. Ngunit noong araw ng pag-amin ni Jam sa akin ang kanyang tunay na nararamdaman sa akin ay hindi ko alam kung ano ang gagawin. Pero may mali, mali ang aming magiging pagmamahalan kung sakali. Alam kong hindi ito matatanggap ng aking mga kamag-anak. At isa pa ang gumugulo sa akin, ang aking pagkatao. Hanggang ngayon ay gulung-gulo ako sa sarili. Ayaw ko ang pagiging ganito ko. Oo inaamin ko, nasabihan ko na bading si Jam dahil hindi ko na alam ang gagawin ko. Ayaw ko na maging maging magkatulad kami ng nararamdaman sa isa’t isa. Natatakot ako sa mga posibleng mangyari sa anin kung sakali. Alam ko na kung sakaling pagbigyan ko ang kanyang pagmamahal at maging kami ay magiging usap-usapan ang tungkol sa amin, at ang ikinatatakot ko ay kung ano ang sasabihin ng mga tao. Hindi sa ayaw ko dahil pinangangalagaan ko ang aking pangalan ngunit gusto ko lang pag-ingatan ang aking matalik na kaibigan, na oo mahal ko na din.

                Akala ko na tama lang ang pinasok ko sa isang relasyon. Oo inaamin ko na ginawa ko lang makipagkasintahan kay Thea upang lumayo ang loob ni Jam sa akin, na mawala ang kanyang pagtingin sa akin. Akala ko ay isa iyon sa magiging magandang paraan, ngunit ang totoo niyan ay nasasaktan din ako sa tuwing nakikita kong malungkot siya kapag nakikita niya kami ni Thea. Alam ko na nasasaktan siya dahil nababasa ko sa kanyang mga mata. Minsan doon natin makikita ang totoong nararamdaman ng isang tao, kung masaya, galit o malungkot. Pero ito na, nandito na ako. Kung iniisip ninyo na parang panloloko na ang aking ginagawa kay Thea, oo inaamin ko. Maaari ko din namang mahalin si Thea tulad ng pagmamahal niya sa akin, subalit kung nakikita ko si Jam ay mas nangingibabaw ang nararamdaman ko sa kanya kumpara kay Thea. Hanggang isang araw ay napagtanto ko sa aking sarili na mas mahal ko si Jam, mahal ko siya ngunit paano ko sasbihin sa kanya gayong may girlfriend na ako. Nahihirapan ako. Ang tanga ko dahil hindi ko pinag-isipan ang lahat. Nanaig ang aking takot kaysa sa makinig sa talagang nais ng aking puso. Napagtanto ko din na hindi lang si Thea ang niloloko ko, pati ang aking sarili ay ginagawa kong dayain. Nasa huli talaga ang pagsisisi, na kung kailan huli na ang lahat ay mapagtatanto ang tunay na nararamdaman, na mas mananaig talaga ang totoo.

                Mga ilang buwan bago matapos ang aming 4th year ay nagkakalabuan na kami ni Thea. Isang araw ay may date kami, ika-anim na Monthsary namin iyon. Hindi tulad ng dati na handang-handa ako, may sigla at may handog sa kanyang mga rosas at isang kahon ng tsokolate. Lagpas sa oras na aming pinag-usapan ako dumating, mga tatlong oras. Nakita ko sa kanya ang galit na anakapinta sa kanyang mukha.

                “My God Rich you are late for three hours?” Iritang sambit ni Thea.

                “Babe I’m sorry pinag-antay kita ng matagal.” Mahinang sambit ko.

                “Babe ano bang nangyayari sa iyo? Napapansin ko na hindi ka na ganoong ka sweet sa akin. Oo magkasama tayo pero minsan may mga araw na hindi kita maramdaman bilang boyfriend ko. May problema ba?” Tanong niya, may diin ang boses.

                “Babe walang problema sa atin okay.” Kinuha ko ang kanyang kamay, nilapit ko siya sa akin at niyakap. “I’ll gonna be fine babe. I’m so sorry i took so long.” Dagdag ko.

                Ngayon ko lang nakita si Thea na ganoon. Mas natakot ako dahil alam kong masasaktan siya kung sasabihin ko ang aking dinadalang hirap. Kung ipagtatapat ko sa kanya na mas mahal ko si Jam kaysa  sa kanya ay siguradong isang pako ito na tutusok ng madiin sa kanyang puso. Oo inaamin ko na isang malaking kawalan sa mga lalakeng katulad ko si Thea. Halos lahat ng mga katangian sa pinapangarap kong babae ay nasa kanya na. Noong unang kita ko pa lang sa kanya sa facebook, unang pagkikita namin ng personal at unang araw ng pagtapat niya ng tunay na pagmamahal niya sa akin ay ramdam ko ang saya. Ngunit iyon ba ay tunay na kaligayan o mabilisang kagalakan lang? Hindi ko na alam gagawin ko. Hindi ko alam kung kanino lalapit. Kay Kyle sana pero alam ko na may tampo din sakin ang aking kaibigan, at sigurado na mas papanigan niya si Jam dahil lagi sila ang magkasama. At saka ganoon din naman, ako at ako pa din talaga ang talo dahil kasalanan ko ang lahat na nangyari ang lahat ng ito. Pero hindi ko na kaya, hindi na dapat maaaring ipagpatuloy ang panloloko na ito. Mahal ko si Jam, at bilang taong nagmamahal ay dapat kong kaharapin ang lahat. Ako ang naglagay ng gusot at mantsa sa lahat ng ito kaya dapat ako din ang maglinis at mag-unat ng lahat ng ito.

                Isang araw bago ang pagsapit ng aming graduation ay nagpunta ako sa bahay nina Thea upang sunduin siya. Masaya siyang lumabas ng gate. Isang napakagandang binibini ang tumambad sa akin, hindi gaanong balot ang kanyang mukha ng make-up, nababalot ng natural niyang ganda. Ang sama ko talaga. Pero para matapos na ang lahat ng ito ay ipagtatapat ko na ang lahat sa kanya.

                Pagkadating pa lang sa event ay sinuyo ko siya sa isang kubo. Kaya ko ito tiwala lang. Subalit nalulungkot ako dahil masasaktan ko siya. Hinga ng malalim Rich, ihanda ang iyong sarili sa kung ano man ang mangyayari. Sana hindi niya awayin si Jam. Oo masakit itong gagawin ko kaya sana makapagpigil si Thea na saktan siya. Sana ako na lang ang awayin niya tual ako naman ang gumawa ng lahat ng ito. Pagkarating namin sa kubo ay hinarap ko siya. Hawak ko ang kanyang kanang kamay.

                “Anong ginagawa natin dito Rich?” Waika ni Thea na may napakagandang ngiting nakapinta sa kanyang mukha.

                Nanginginig ako, hindi ko alam kong paano sisimulan. Heto ako at kaharap siya. Kakayanin ko ba ito? Naaawa kasi ako sa kanya, na isang inosenteng nagmahal lamang ngunit biglang masasaktan dahil sa isang rebelasyon na sigurado ay masakit tanggapin sa kalooban. Nagagalit ako sa sarili ko kung bakit ko nagawa ang lahat ng ito. Pero kailangan. Tumitig ako sa kanyang mga mata. Gusto ko na iparamdam sa kanya na may gusto akong sabihin sa pamamagitan ng pagtitig.

                “Bakit tinititigan mo ako ng ganyan?” Tanong niya sa akin. Huminga siya ng malalim. Sana nakuha niya ang aking pahiwatig. “Rich, may problema ba.” Sa wakas at nakuha niya ang aking pahiwatig. Pumikit ako.

                “Thea.” Muli kong binuksan ang aking mga mata. Nakita ko ang kanyang mukha na may pagtataka.

                “May gusto ka bang sabihin?” Sambit niya, may pagtataka pa din.

                “Thea may ipagtatapat ako.” Bumilis ang kaba sa aking dibdib. Kaya ko kayang sabihin sa kanya?
               
                “Rich...” Mahinang tugon niya. “ano ang ipagtatapat mo?” Dagdag niya.

                “Thea,  I’m so sorry. Hindi ko na kaya.” Panimula ko. Huminga ako ng malalim. “Thea hindi ko sinasadyang masaktan ka pero Thea I think it is the time na sabihin ko ang totoo sa iyo.”  Hindi ko na naiwasang maging emosyonal. Tumulo ang aking luha. Yumuko si Thea.

                “Rich napapansin kita nitong mga nakaraang buwan. Nanlalamig ka na sa akin at ramdam ko iyon. Sa tuwing kasama kita ay para lang lutang. Malalim ang iniisip mo. Gusto sana kita tanungin pero minabuti ko na sa iyo manggaling.” Pagpapaliwanag ni Thea. Napapansin na pala niya sa akin ang pagigiing ganun ko.

                “Thea, ngayon ko lang na-realize sa aking sarili na mali ang magkunwari ako sa totoo kong nararamdaman.” Kaunting lakas ng loob na lang Rich, kailangan na niyang malaman ang lahat. “Thea akala ko malulutas ang lahat ng ito kung magmamahal ako ng tulad mo, kahit hindi ko sundin ang aking tunay na tibok ng aking puso.”

                Sinapo niya ang kanyang ulo, humihikbi.

                “I knew it Rich. I really knew it.” Patuloy pa din ang kanyang paghikbi. Hindi ko na din naiwasan ang umiyak. May sakit sa kalooban ngunit nandito na ako. Dapat harapin ang dapat harapin.

                “Thea hindi ko sinasadya.” Matipid kong sabi. Hindi ko na alam paano ko itutuloy dagil nakikita ko sa kanya ang sakit.

Pinunasan niya ang kanyang mga  mga mata. Huminga ito ng malalim. Tumingin siya sa akin. Huminga ulit ito ng malim.

“Rich tell me. Minahal mo ba ako or you are trying to love me para makalimutan mo kung sino man ang mahal mo?” Piliniyang sinambit ito ng hindi humihikbi, pero patuloy pa din ang pagtulo ng kanyang luha.

“Thea, sinubukan kong mahalin ka. I admit, oo niligawan kita para mawala ‘yung pagmamahal ko sa kanya. Mali kasi ang pagmamahal na iyon gayong parehas kami ng pagkatao. Ayaw ko na magmahalan kami. Pero Thea hindi ko na kaya pang itago. Oo mahal ko pa din siya.” Lumabas na din ang lahat, ang matagal ng naipon sa bigat sa akin.

Pumikit siya, pinakalma ang kanyang sarili. Dumilat ito, at ngumiti ito, may pait ang ngiti na iyon.

“Rich naiintindihan ko.” Sambit niya. “Ayaw kong magalit sa iyo pero masakit lang. Atleast you are brave enough to tell me the truth. Thank you Rich for your honesty.” Sinapo niya muli ang kanyang ulo. Nilapitan ko ito. Hinimas ko ang likod niya. Hindi ko  maiwasan ang mapaiyak din.

“Wala na akong masabi kundi sorry for all those things i did. Oo i tried to be the best guy for you pero sabi talaga ng puso ko na mahal ko siya. I’m so sorry.” Paulit-ulit ang paghingi ko ng tawad.

Akala ko na sasaktan niya ako, sasbihan ng masasakit at kung ano pa man para maramdaman ko ang kanyang galit o sakit. Pero kakaiba ang kanyang ipinakita sa akin, isang babae na tinanggap ang lahat. Nilapitan niya ako. Niyakap muli. Nilapit niya ang kanyang labi sa aking tainga.

“Rich Thank you for everything. Sorry kung minahal din kita ng ganito. Kasalanan ko din.” Mahinang tugon niya.

“Ako ang may kasalanan Thea, wala kang kasalanan.”

                Umupo kami. Tumabi siya sa akin. Pilit pa rin siyang ngumingiti.

                “Okay lang Rich.” Tugon niya. Naramdaman ko ang buong pagtanggap niya.

                “Paanong okay ka? Masakit ‘yung ginawa ko.”

                “Oo masakit. Nandoon na tayo. Alangan namang maging masaya ako.” Ngumiti pa ito. Ngayon ay hindi na alintana sa kanya ang sakit. “Humanga ako sa iyong pagpapakatotoo.” Dagdag niya.

                “Hindi ko na kasi alam kung saan ko ilulugar ang aking sarili Thea.”
               
                “Bakit kasi hindi mo sundin ‘yung nararamdaman mo? Kung ano man ang tunay na tibok ng puso mo?” Mahinang tanong niya.

                “Kasi mali. Hindi ko maintindihan Thea. Mahal ko siya pero Parehas kaming lalake. Hindi ko maintindihan ang sarili ko.” Naluluha pa din ako. Pero mas nasasabi ko na dahil nakikita ko na kay Thea ang pagtanggap.

                “I knew it Rich.” Tugon niya. “Hulaan ko Rich kung sino iyong lalake na sinasabi mo. Si Jam hindi ba?”

                “Paano mo nalaman?” Gulat ako sa kanyang sinambit. Napatayo ako. Paano?

                “Minsan noong natulog ka sa amin. Hindi mo alam na binabantayan kita sa couch. Nananaginip ka. Nasambit mo ang pangalan ni Jam. Mahal na mahal mo siya.” Yumuko si Thea matapos niyang sabihin.

                “Paano?” Nagulat ako. Oo madalas kong mapaniginipan si Jam na kasama ko, kayakap ko at katuwaan ko. “Kailan pa?” Dagdag ko.

                “Matagal na at hindi lang isang beses nangyayari iyon. Madalas kapag sa amin ka natutulog. Oo Rich alam ko na, matagal na.” Nakayuko pa din siya habang nagsasalita.

                “Bakit hindi mo sa akin agad sinabi?”

                “Dahil gusto ko na sa iyo manggaling ang lahat. Ngayon ay sinabi mo na sa akin ang totoo. Salamat at makakahinga na din ako ng malalim. Nasagot na ang mga tanong sa aking isipan.” Tumingin sa akin at ngumiti.

                “Kung ganoon hindi ka nagagalit?” Tanong ko.

                Hinawakan niya ang aking mgakamay.

                “Bakit pa Rich? Para saan pa ba ang galit ko? Kung hindi mo naman ako mahal ano pa ba ang ipaglalaban ko?” Nakangiti pa din ito, pero halata pa din ang lungkot sa kanyang mga mata. “Hindi ako magagalit sa iyo. Natutuwa pa nga ako kasi naging totoo ka. Kahit na alam ko na masakit, pero lalabas at lalabas talaga ang lahat pagdating ng huli. Huwa ka mag-alala, hindi ako nandidiri sa iyo dahil ganyan ka.” Dagdag niya. Nakita ko ang kanyang pag-unawa sa akin.

                Niyakap ko siya ng mahigpit. Naiyak ako, mas grabe ang pagluha ng aking mga mata. Talagang ang suwerte ko kay Thea. Naawa ako dahil alam ko masakit ang lahat sa kanya. Pero nagawa pa rin niya akong unawain. Tumigin ako muli sa kanya

                “Maraming  salamat Thea.” Maluha –luha akong nagpapasalamat.

                “Mahal kita Rich. Kahit ang sarili kong kaligayahan ay kaya kong ipagpalit para sa ikasasaya mo.” Nakangiti siya sa akin. Ngumiti din ako.  “So shall we be friends na lang? Malay mo mas magtagal tayo if we just become friends instead?” Inilahad niya ang kanyang kamay. Tinanggap ko iyon.

                “Oo naman!” Mahigpit kong hinawakan iyon. Naramdaman ko ang sobrang pagmamahal niya.

                “So paano na ‘yan Rich? Sasabihin mo ba sa kanya na mahal mo siya?” Tanong niya.

Umupo kami. Sa kanya ako nagsabi ng aking nararamdaman. Alam ko na tanggap na naman niya kaya sa kanya ako nagbukas. Sinimulan ko ang pag-kuwento sa eksenang umamin ng pagmamahal si Jam, hanggang sa nanlamig ako sa kanya. Pati na din ang araw na napagtanto ko na mas mahal ko si Jam.

“Then mag confess ka na. Tulad ng ginawa mo sa akin na nagsabi ka ng tunay mong nararamdaman ay gawin mo din ang magtapat sa kanya.” Si Thea, nagpayo.

“Pero paano? Nasaktan ko din siya.”

“Face your consequence Rich. Paano matatapos ang lahat kung hindi mo sa kanya sasbihin hindi ba?” Tinapik niya ang aking balikat. “Kung mahal mo siya sabihin mo. Huwag mong itago pa. Gusto mo pa bang maulit muli ang ganitong setup? Dagdag niya.

Mas lumakas ang aking loob. Mas nabuhayan ako. Natapos na ang lahat, baon ang saya ngunit may lungkot para kay Thea. Nagyakapan kami muli. May ngiti na muli sa kanyang mukha. Isang matatag na babae si Thea. Kung iba lang siguro siyang babae ay siguradong mas naging magulo pa ang lahat. Tama siya, dapat hindi ko napatagalin ang lahat. Aamin na ako kay Jam.

Tinungo na namin ang lugar ng pagdadausan ng aming graduation. Lahat ay masaya. Ngunit hindi ko magawang ngumiti. Tinapik muli ako ni Thea.

“Smile na.” Tugon niya. “Ga-graduate na tayo. Iiwanan mo na lang ba ako na may lungkot sa iyong mukha?” Dagdag niya.

Ngumiti ako, gusto ko ipakita sa kanya ang ngiti na nais niya.

“Actually makikipagbreak na din ako sa iyo.”

Nagulat ako. Nanlaki ang aking mga mata sa kanyang sinambit.

“Pupunta na kasi kami sa States ng Family ko. Pumirma na si Mama at Papa ng resignation letter
sa kanilang work. Kukunin na kasi kami ng Tito ko. Mukhang doon na ako makakapagsimula ulit.”

Nangibabaw ang lungkot. Pero ngumiti pa rin siya sa akin. “Sabi lang ng destiny na hindi talaga tayo ang para sa isa’t isa. Baka malay mo kay pala ng kaibigan mo.” Tumawa ito.

                “Sana nga. Pero pinanghihinaan ako ng loob.” Tugon ko.

                “Sige ka gagawin kong lalake si Jam, magpapaligaw ako sa kanya.” Nagbiro siya. Tumawa kaming dalawa.

                Nagsimula na ang programa. Nakita ko si Jam sa unahan kasama si Kyle. Gusto sila noon lapitan pero may kung anong kaba sa akin. Parang hindi ko kakayahin ang paglapit ko kay Jam. Sa tuwing titingin ako sa kanya ay mas tumitibok pa ang aking puso. Hindi ko maintindihan pero ieto ang totoo kong nararamdaman. Ayaw kong dayain ang aking sarili. Natapos na ako kay Thea, at ngayon ay kay Jam naman ang aking aayusin.
                Natapos na ang programa. May mga umuwing may luha sa kanilang mga pisngi habang may mga masasaya din kahit paano. Lumaipt sa akin si Thea upang magpaalam. Nagmamadali na sila. Tanging ang sambit na lang niya sa akin ay “Magpakatotoo ka sa nararamdaman mo.” Nakakatuwa si Thea kahit sa kabila ng lahat ay natanggap niya agad. Maya-maya lamang ay may kumalabit sa akin. Si Jam.

                Nasaksihan ninyo ang aking pagyakap at paghingi ng tawad ka kanya. Ngayon ay marahil alam na ninyo kung bakit. Lumayo ako sa kanya matapos kong yumakap sa kanya. Wala akong maihaharap sa kanyang mukha. Nasaktan ko siya. Ngunit nakikita ko na sa kanya ang pagtanggap. Mukhang nakayanan na niya ang lahat. Paano na ako ngayon aamin kung naka usad na siya? Pero mahal ko siya. Oo, mahal ko si Jam. Tinungo ko ang kotse. Sumunod sina Nanay at Tita.

                “Rich may problema pa?” Tanong sa akin ni Nanay.

                “Hindi ko na kaya nay. Nadala lang po ng emosyon.”

                “Hay ang Pamangkin ko talaga? Iyakin ka lang? Sabagay natural ‘yan sa graduation.” Si Tita.

                “Oh congratulations anak! We are really proud of you!” Isang mahigpit na yakap ang handog ni Nanay. “Hidi mo alam kung paano mo ako napasaya!” Dagdag niya. May masayang emosyon ito. May pag-iyak sa kanyang mga mata.

Naramdaman ko ang aking tagumpay dahil sa pinakita sa akin ni Nanay. Sa wakas at natapos ko din ang highschool. Ngayon ay malapit ko na maabot ang anking mga pangarap. Gusto ko tulungan si Nanay kagap nakapagtapos na ako. Gusto ko siyang pagawan ng bahay at negosyo apra may pagkakakitaan siya. Malapit na din namin makamit ang masaganang buhay. Nagpasalamat din ako kay Tita sa lahat ng tulong niya upang umangat kami ni Nanay. Kung hindi dahil sa kanya ay wala din ako sa aking kinatatayuan.

Umuwi na din kami. Nagkaroon lang ng salu-salo at nagpahinga na din agad. Halos hating gabi na noon kaya hindi na kumain sa labas. Tinungo ko ang aking kuwarto. Doon ko inilabas ang emosyon na nararamdaman ko. Gusto kong ibuhos lahat-lahat. Lalo pang bumuhos ang aking luha nang magtext sa akin si Jam. Hindi ako agad nakasagot. Sana hindi na umabot sa ganitong eksena ang lahat. Hanggang sa tumawag na siya. Agad ko itong sinagot.

“Hello Rich.” Pambingad ko.

                “Jam?” Sagot ko. Hindi ko mapigilang ang aking emosyon.

                “May problema ba?” Tanong niya

                “Jam I’m so sorry.” Patuloy pa din ang aking paghikbi.

                “Hindi kita maintindihan Rich. Para saan ba ‘yung sorry mo?”

                “Jam Mahal kita!” Umagos ang aking luha. Mas ninerbiyos ako. Mas may tensiyon. Nanginginig ang aking kamay. Sana kayanin ko pa ang aking pag-amin sa kanya.

                Hindi na siya nagsalita. Mas kinakabahan ako.

                “Jam?”

                “Rich totoo ba ang aking narinig?” Sambit niya. Garalgal ang kanyang boses.

                 “Jam totoo, Mahal na mahal kita. Hindi ko na kaya pang ilihim ang lahat.”

                “Rich bakit ngayon mo lang sa akin sinasabi ang lahat? Bakit hindi noon? Rich nai-ayos ko na ang aking buhay. Tinanggap ko na sa aking sarili na wala na akong dapat i-asa sa iyo. Hindi ba may Thea ka? Sabihin mo ngayon sa akin? Ginamit mo lang ba si Thea? Ha?” May diin ang kanyang boses.

                “Jam patawarin mo ako. Hindi ko sinabi sa iyo noon. Natatakot ako at naisip ko na mali ang magmahal ng tulad natin dahil lalake tayo. Pero hindi ko pala kaya. Mas mananaig pa din ang tunay na tibok ng aking puso, at ikaw iyon Jam. Iakw ang mahal ko. Oo ginamit ko si Thea kung iyon ang iniisip mo. Pero mayos na kami ni Thea. Nagtapas na ako. Aalis na siya sa bansa. Nakipaghiwalay na ako sa kanya.” Puno pa din ang mukha ko ng luha.

                Binaba niya ang kanyang cellphone. Mas lalo pa akong umiyak. Nasaktan ko ng labis si Jam. Ang sama ko. Pinagsisihan ko ang lahat. Ngunit mukhang huli na ang lahat. Masakit ang aking nagawa sa kanya. Tinawagan ko si Kyle. Ngunit busy ang phone niya. Napayuko ako. Pati ba naman si Kyle ay hindi ko matawagan. Isang malaking pagdurusa ito.

                Nagising na lang ako kinaumagahan. May lungkot ang aking mukha. Nakatulog pala ako sa kakaiyak. Kinuha ko ang aking cellphone upang tingnan ang oras. May message ako, galing kay Kyle. Agad ko iyong binasa.

                “G0odm0rning Rich. OMG ha? Kn0ws ko na ang laHat! My gawD kA ah? iSanG nakakAluRkeY iTey! 2mawaG sa AkiN si JaM kagAbi at UmaMin Ka DaW na MahAl Mo diN siYa? ToToo ba iTey?”

                Tinawagan ko si Kyle. Sa wakas at na-contact ko din siya. Agad kong sinagot. Nagpaliwanag ako sa kanya. Tulad din ni thea ay naintindihan niya ang lahat. Hindi ako nabibigo sa pagiging maintindihin ng mga taong makakapitan ko. Nagpasya kaming magkita-kita sa luneta.

                Mga hapon na noong nakarating ako. Nauna ako sa kanila kaya minabuti kong itext si Kyle. On the way na daw sila. Tinext ko si Jam ngunit hindi naman siya nag rereply. Alam ko na magkasama sila ngunit maganda pa din na itext ko siya. Mas kinakabahan ako. Paano ako haharap sa kanya? Ano ang mga sasabihin ko sa kanya?

                Mga ilang sandali pa ay dumating na si Kyle, kasama si Jam. May kaba akong nararamdaman. Para bang sasabog ako sa nerbiyos. Maya-maya lamang ay nasa harapan ko na sila.

                “Hey Rich! Kamusta naman?” Tiningnan ako ni Kyle mula ulo hanggang paa. “Aba mukhang bihis na bihis ampeg? I like your outfit.” Dagdag pa nito.

                “Tumahimik ka nga diyan Kyle. Nakakamiss ka pala.” Tugon ko.

                “Ayy marunong ka din pala makaramdam ng pagkamiss? Halika nga dito.” Lumapit ito at niyakap ako. Nilapit ang kanyang labi sa aking tainga, bumulong ito. “Welcome sa pederasyon ni Madam Shokie.”

                “Kakalbuhin talaga kita!” Paibiro ko. Mas hinigpitan ko ang yakap sa kanya. “Ayan power hug para sa nakakahawang si Kyle” Dagdag

                “Aber? At ako pa ngayon ang may disease? Grabe ka naman? Kung sa bagay ay epidemya na ang mga paminta at bading ngayon. Kaya ang hirap makatagpo ng poging straigh eh! Hay!”

                Namiss ko ang biruan namin na iyon ni Kyle. Namiss ko talaga siya na halos may luha sa aking mata.

                Matapos ng iyon ay hinila ako ni Jam. Kinabahan ako. Tulad ng dati ay sa braso na naman niya ako hinila. Naiwan si Kyle sa kanyang kinatatayuan., nakangiti.

                “Halika doon tayo sa Chinese Garden. Mag-usap tayo.” Si  Jam. May diin ang kanyang pagkakasabi.


                Nagtungo kaming dalawa sa Garden. Doon ay naghanap kami ng lugar kung saan kami mag-uusap. Heto na siguro ang magiging hatol para sa amin. Mahal ko si Jam. Sa pagkakataong ito ay sasabihin ko na ang lahat. Sasabihin ko sa kanya na mahal na mahal ko siya. Handa na akong kaharapin ang lahat. Magiging maganda ba ang aming usapan? May mai-aayos pa ba ang lahat o tuluyan na akong mabibigo sa kanya. May pag-asa pa ba ako o dahil sa galit niya sa akin ay hindi na posible pang maging kami? Kinakabahan ako. Pero mukhang ito na ang panahon para harapin ang lahat ng ito, kahit masakit man o hindi.     

Tuesday, August 20, 2013

You're Really The One (Chapter 7)




NOTE FROM THE AUTHOR: Ang chapter na ito ay iikot pa din sa ating bida na si Jam. Patuloy nating subaybayan ang kanyang unang pag-ibig sa kanyang matalik na kaibigan, si Rich. Muli maraming salamat po sa mga magagandang reviews. Sa inyo lang po kaming mga Writers humuhugot ng lakas at inspirasyon upang magpatuloy sa pagsusulat. Subaybayan na natin ang kuwentong pag-ibig ni Jam.

The Side of Jam

Ilang buwan ang lumipas at magsisimula na din ang klase. Sa ilan buwan na iyon ay tanging si Kyle lang ang madalas kong kasama. Nakakapagtampo lang si Rich dahil minsan lang siya sumipot sa amimg mga lakad , at kung minsan ay sinasabi niya na tutuloy siya pero nganga kami ni Kyle sa huli. Napapaisip ako kung bakit. Mayroon na ba siya na bagong mga barkada bukod sa amin, o siguro dahil sa pag-amin ko na may pagmamahal ako sa kanya ay umiiwas siya? Simula noong gabi na ipinagtapat ko sa kanya ang aking nararamdaman, napapansin ko ang hindi pagsama niya sa amin ni Kyle. Kung nagulat lang siya sa kanyang nalaman, alam ko na hindi aabot sa ganito ang sistema. Parang kasalanan ko pa na nangyari iyon. Kung tumahimik na lamang ako at hindi ko na lang sinabi ang totoo, siguro hanggang sa mga panahon na ito ay masaya kaming magkakasama. Pero huli na, heto na. Dapat kong kaharapin ang bunga ng aking ginawa. Pilit kong tinatanggap sa aking sarili na wala na talagang pag-asa sa kanya. Paano ba naman magkakaroon ng ganoon sa amin, lalake siya at lalake din ako. Hindi kami maaaring maging kami. Babae ang kanyang hanap hindi kapwa lalake. Nakakapnlumo, nakakalungkot at may galit sa sarili sapagkat hindi ko ninais na maging ganito ngunit ito ang aking nararamdaman, ito ang bugso ng aking damdamin, ito ang totoong sambit ng aking puso. Hindi ko pa din maiwasang malungkot. Sa tulong ni Kyle ay naiibsan ko sang kalungkutan na iyon. Siya ang aking naging takbuhan kung mayroon akong nararamdamang kirot sa aking puso, mga tanong patungkol sa aking tunay na pagkatao pati na din sa mga lakad ay hindi niya ako tinatanggihan. Naging parang kapatid na ang turing ko sa kanya, nadama ko ang kakaibang bahagi ng kanyang pagkatao. Mula noong hindi namin nakakasama si Rich ay sa amin umiikot ang mundo.

Araw na ng unang klase. Tulad ng dati ay mabusisi naming hinahanap ang aming section ngunit hindi na kami hirap pa sa paghahanap sapagkat marami na ang nakakakilala sa amin. Kadalasan ay puro babae ang lumalapit sa akin upang tanungin at ituro kung saan ang aming magiging room.

“Grabe ang power ng pa-mensung mo ha Jam. Hindi nila knows na same lang din tayo ng taste.” Pang-asar ni Kyle.

“Ang hilig mo talaga mang-asar.” Singhal ko.

“Ay sorry naman akala ko bebenta sa iyo.” Tugon niya. “Teka, nasaan na kaya si Rich? Gusto kong sakalin ‘yung bruha na iyon.” Dagdag niya.

Maya-maya lamang ay may napansin kami ni Kyle. Sa paningin namin ay bago lang siyang estudyante sa campus. Maganda ito, makinis ang balat, maganda ang pagkakabagsak ng kanyang buhok, ang mga ngiti ng labi ay kayang pumukaw ng mga lalake, at sa tindig nito ay maaaring mapabilang sa isa sa mga kandidato ng Campus Idol na gaganapin sa kalagitnaan ng taon. Napatitig ako sa kanya.

“Aba-aba! Sino naman ‘yang  gurlash na itey?” Hirit ni Kyle. Nagkatitigan kaming dalawa.

“Anong sabi ng ganda mo ngayon Kyle? Mukhang may magtataob na ng iyong kagandahan.” Pangisi kong tusong. Inirapan niya ako ng mata sabay ang pagtalikod.

“Halika na nga at magsisimula na ako mag-make up! Takot naman ako sa beauty niya. Lamang ‘yan ng kalahating paligo sa akin.” Daldal ni Kyle habang papalayo.

Nakatitig pa din ako sa kanya nang maya-maya lamang ay may lumapit sa kanyang lalaki. Mas lalo ko pa silang tinitigan. Para akong nanonood ng isang teen romance na pelikula. Ang eksena ay nasa corridor ng campus, maraming tao ang nagdadaan,parang mayroon silang sariling mundo. Hinawakan ni lalake ang kamay ni babae sabay halik sa kaliwang pisngi nito. Dahan-dahan namang niyakap ni Babae si lalake. Hindi alintana sa kanila ang ibang mga estudyante na nakakapuna na sa ginagawa nila. Lalo pa naging mas romantic ang eksena, inabutan niya ng tatlong red roses ang babae. Hindi napigilan ang kilig ng babae sa ginawa ng lalake. Tinanggap niya ito at niyakap muli si Lalake, mas mahigpit at mas madadama ang saya sa pagkakayakap ng baabe sa lalake. Nagtagpo ang kanilang mga mata, narinig ko ang palitan ng kanilang dayalogo.

                “Mahal na mahal kita.” Tugon ng lalake sa babae habang nakatitig siya kay babae.

                “Mahal na mahal din kita.” Kinikilig na sagot ni Babae.

Tumalikod ako, nakita ko si Kyle sa aking likod. Sapo niya ang bibig at nanlalaki ang kanyang mga mata. Mukhang nasaksihan din niya ang eksena na iyon. Tumingin siya sa akin ngunit ganoon pa din ang mga mata niya sa akin, nanlalaki.

                “Sampalin mo nga ako Jam! Totoo ba ‘yung nakita ko?” Gulat pa din si Kyle. Yumuko ako.

                “Kyle halika na, tumungo na lang tayo sa room.” Hinila ko si Kyle. Tinungo na namin ang daan papunta sa aming room.

Hindi ko kinaya ang aking nakita. May girlfriend na pala si Rich. Hindi ko alam pero masakit talaga sa akin ang makita sila sa ganoong eksena. Gusto kong pigilan ang nararamdaman kong sakit subalit hindi na kaya ng aking emosyon. Tinungo ko ang banyo, doon ko inilabas ang aking luha na tila nauudlot na umagos sa aking mukha. Ramdam ko na sumunod sa akin si Kyle.

                “Oh akala ko ba sa room tayo pupunta? So dito pala ang room natin. May isang malaking salamin at apat na cubicles na umaalingasaw sa pagkapanghe.” Tumigil siya nang luymingon sa akin. “Umiiyak ka?” Dagdag niya.

                “Hindi ko alam Kyle pero bakit may kirot sa puso ko? Pilit ko naman tinatanggap sa sarili ko na wala akong dapat asahan sa kanya. Dapat tanggap ko din ang pagkakaroon niya ng girlfriend.” Mahinang tugon ko sa kanya. Bumabagtas pa din ang aking luha.

                “Pero ang totoo niyan Jam hindi mo tanggap ng buo. Grabe ka sa lagay na ‘yan hindi pa kayo nung tao, how much more kaya kung....”

“Kyle please, ayaw kong isipin na magiging kami. Kailangan kong tanggapin ang lahat. Hindi maaaring maging kami ni Rich. Hindi na dapat ako umasa.”

Hinawakan niya ang likod ko. Tumingin ako sa kanya. “Sige ilabas mo lang ‘yan.” Huminga siya ng malalim. “Mahal mo talaga siya ano?” Dagdag niya.

“Hindi ko alam Kyle. Pinipilit kong mawala ‘yung pagmamahal ko sa kanya pero bakit ganoon?” tugon ko sa kanya.

“Kasi friend hindi mo dapat pinipilit, tinatanggap iyan ng bukal sa loob mo.”

“Paano? Hindi ko alam kung saan ako magsisimula?”

“Ayan kasi ang mahirap sa nagmamahal, kahit hindi panagiging kayo ay may sakit na agad na mararamdaman.” Singhal niya. “Oh ilang galon ba ang pupunuin mo ng luha diyan? Tamang-tama walang laman ‘tong container. Pupunuin mo ba o titigil ka na diyan dahil malapit na mag-start ang class natin.” Dagdag niya.

Pinunasan ko ang aking luha, huminga ako ng malalim. Hindi dapat ako umarte ng ganito sapagkat wala akong mairarason kung bakit dapat ako umiyak. Hindi naman kami ni Rich para magmukmok, ni hindi naman talaga kahit kailan. Hindi rason na dahil sa pagkakaibigan namin kaya ako ganito, baka sabin niya na mababaw ako. Ganito ba talaga ang nagmamahal? Kahit hindi kayo ng tao ay umaarte na parang may relasyon? Inayos ko ang sarili ko. Hindi puwede ang ganito.Wala kaming relasyon ni Rich kaya hindi dapat ako nagpapa-apekto. Dapat kong tanggapin na kailanman ay hindi na niya papansinin pa ang aking pagmamahal. Tama si Kyle, dapat matanggap ko iyon ng bukal sa aking kalooban.

Tinungo na namin ang room, naroon na ang lahat ng mga kaklase namin. Sila-sila pa rin naman ang naging kaklase ko kaya wala ng bago sa akin, bukod sa girlfriend ni Rich. Nagsimula na  din ang klase at kagaya ng dati ay isa-isa kami nagpapakilala sa harapan. Nauna tawagin si Kyle, sumunod ako, at mga ilang minuto ng pagtatawag ay ang girlfriend na ni Rich ang tinawag.

                “Good moning everybody. . .” Panimula niya.

                “Walang good sa morning kung ikaw ang nasa unahan.” Bulong sa akin ni Kyle na insecure dahil sa ganda ng babae.

                “My name is Thea Cortez, 15 years old from Ermita Manila. “ Pagpapatuloy ng babae.

Thea Cortez, iyon pala ang kanyang pangalan. Pinagmamasdan ko siya sa kanyang kinatatayuan. Hindi nga malayo na mahulog si Rich sa kanya, may natural itong ganda, simple at kung mapapansin ay ni-isang palamuti sa katawanay wala itong suot, maliban na lang sa kanyang mga hikaw. Natural ang panlabas niyang kagandahan.

Sumunod naman tinawag si Rich. Naghiyawan ang lahat na para bang may nanalo sa lotto. Tumingin siya sa amin. Nginitian ko na lang siya habang si Kyle ay ibinaling ang tingin niya sa ibang direksyon.  May tampo pa din si Kyle sa kanya sa hindi pagsipot sa aming mga lakad. Ibinaling ni Kyle ang tingin niya sa akin at bumulong.

                “teh, ‘wag kang plastikada. Kanina iiyak-iyak ang beauty mo tapos ngayon ngingiti-ngiti ka dyan. Galing mo din magpakitang tao.”

                “Gusto ko kasi makita niya ako na okay lang ako Kyle. Baka sa ganitong paraan makabawi ako sa kanya, na kahit may Thea siya ay hindi dapat ako nagpapa-apekto.” Napagtanto ko. Baka sa ganoong paraan ay matatanggap ko na ng buo ang lahat. Gusto ko ipakita kay Rich na hindi iyon sagabal sa akin, na tanggap ko ang lahat .

                “Naku friend tanggapin mo muna sa sarili mo  na waley na, wasang na para madali sa iyo ang gagawin mo.” Hirit ni Kyle.

                “Basta, alam ko mahirap pero kakayanin ko.”

                “Ba’t hindi ka din kasi mag jowa?”

                “Eh, kung ikaw ba puwede?”

                “Ayy kaloka! Taluhin ba ang ka-uri? Sayang puwede sana noon pero noong malaman ko na we have the same blood nawala na. And besides I have a new crush kaya nganga ka na lang diyan.”

                “Kyle, are you listening here? May nagpapakilala sa harapan.” Si Ma’am.

                “Naku ma’am sino ba ‘yan?” Tumingin sa harapan. “Ay ma’am no need ko na ma knows si Rich. Kilala ko na ng buo ‘yan, pati color ng brief niya ngayon knows ko din. May color coding kaya ‘yan.” Pabiro ni Kyle. Tumawa ang lahat ng klase pati si Ma’am. Kilala na kasi si Kyle sa ganoong pagkatao niya, palabiro.

                “Kahit naman ‘yang si Kyle ma’am kabisado ko mula ulo hanggang paa niya.” Tugon n i Rich.

                “Oh siya, pakilala ka na. Pa-impress ka sa girlfriend mo.” Wika ni Kyle at ngimiti ito. Alam kong peke din ang pagkakangiti niya.

Nagsimula ang ikot ng buhay namin bilang mga estudyante. Unang araw pa lang ay sandamakmak na school works na agad ang ibinigay sa amin. Matuto na daw kami dahil pagdating ng Kolehiyo ay mas mabibigat na mga aralin pa ang ibibigay sa amin. Nagtulungan kami ni Kyle upang tapusin ang mga iyon. Hindi na tulad ng dati na tatlo kami nina Rich ang nagtutulungan. Ngayon ay dalawa na lang kami ni Kyle. Mas binibigyan niya ng pansin ang kanyang girlfriend kaysa sa amin. Ganoon ba talaga ang tao na kapag may karelasyon ng iba ay maisasantabi na nila ang kanilang mga kaibigan? Nakakapagtampo, kahit kay Kyle ay ramdam ko sa kanya iyon. Ngunit ano pa ba ang magagwa namin?

Natapos na ang unang araw ng klase namin. Sabay kami ni Kyle palabas ng fate nang may kumalabit sa aking likuran. Napalingon ako. Isang ngiti ang salubong niya sa akin. Si Rich pala iyon.

                “Oh guys kamusta kayo?” Nakangiting bati niya.

                “Grabe ngayon ka lang naka-alala ha Rich? Isang buong araw na halos tayo magkakasama kanina, ni lumapit ka man lang sa amin ay wala, nganga.” Si Kyle, ramdam ko ang kanyang pagtatampo.

                “Sorry na.” Yumuko si Rich. “ Pasensya na sa mga inaasal ko sa inyong dalawa. Sorry kong hindi ko sinabi sa inyo ang rason bakit hindi ko magawang sumipot sa mga lakad natin at kung hindi ko nasasagot ang texts at tawag ninyo.” Dagdag pa niya.

Huminga ng malalim si Kyle, pumikit ito at muling dumilat.

                “Sige Rich apology accepted. Hindi din naman kita matitiis. Pero Rich sana nagsasabi ka. Okay naman sa amin ni Rich na sumama ka sa iba or sa girlfriend mo hindi ‘yung iiwanan mo na lang kami sa ere.” Paliwanag ni Kyle.

                “Sorry talaga, hindi ko kayo naisip.”

                “Oh siya heto.” Inilahad ni Kyle ang kanyang kamay ngunit iba ang ginawa ng Rich. Niyakap niya kaming dalawa ng sabay. Natutuwa ito. Ramdam ko ang init ng kanyang katawan, amoy na amoy ko ang halimuyak ng kanyang pagkalalaki. Lumakas ang pintig ng aking puso. Napapikit na lang ako, pinipilit na huwag akong makaramdam ng kakaiba. Buti na lang at sandali lamang iyon, bumitiw na siya sa kanyang pagkakyakap.

                “Basta Rich ah? Heto naman kami para sa iyo eh kahit na may girlfriend ka na or ibang barkada.” Nakangiting wika ni Kyle.

                “Maraming salamat. Tunay nga kayong mga kaibigan.” Tugon ni Rich.

                “Ikaw lang naman ito ang hindi sumasama.” Matipid kong sambit. Tumingin siya sa akin at yumuko.

                “Sorry talaga Jam.”

                “Ayos lang iyon.” Ngumiti ako sa kanya. Muli siyang napatitig. Napako ang aming mga mata sa isa’t isa. Hindi ko na kaya ang kabog ng aking dibdib. Mabuti na lang at naibaling ko ang aking mata sa ibang direksyon.

                “Oh siya mauuna na ako ah? Nag-aantay pa sa akin si Thea sa shed. Ingat kayo ah? Next time babawi ako.” Wika ni Rich. Tumungo na siya papunta sa shed upang tagpuin si Thea habang nakatayo pa din kami ni Kyle sa gilid. Tahimik lang ako.

                “Oh Rich natameme ka diyan?” Humirit si Kyle. “Pansin ko napako ang tingin niyo sa isa’t isa ah?” Dagdag niya.

                “Hayaan mo na nga. Halika na at umuwi.” Iniba ko ang usapan, baka humaba pa ang kuwenuhan namin.

                “Ay teh may naisip ako.” Nakangiti siya. “Pasyal naman tayo sa Luneta.”

                “3pm na Kyle.”

                “Gora lang! Nood tayo ng sunset view!”

                “Sunset view nga ba?” Pangising tanong ko.

                “Eto naman! Understood na ‘yun pero manonood din talaga tayo ng sunset!” Nagtawanan kaming dalawa.

Hindi ko matiis ang kaibigan ko kaya bago umuwi ay nagawi na muna kami sa luneta. Nanood kami ng sunset view sa gilid ng manila ocean park. Doon kasi ang magandang spot para masaksihan ang paglubog ng araw. Nag-enjoy kami. Mabuti pa itong si Kyle halos araw-araw ay kasa-kasama ko. Pero mas masaya sana kung pati si Rich ay kasama din. Nakakamiss din siya. Pero ano pa nga ba ang magagwa namin? Mayroon na siyang pinagkakaabalahan. Habang nanonood ng sunset ay napapaisip ako sa mga bagay na hindi ko na dapat pang isipin. Puro si Rich na lang ang tumatakbo sa aking balintataw. Ano ka ba  Jam sabi na ngang wala na, may girlfriend na. Pero napagtanto ko, bakit ang bilis yata ng pangyayari. Mula noong nagtapat ako ng pagmamahal ko sa kanya ay ganito na agad ang eksena? Makaraan lang ng dalawang buwan na bakasyon ay maryoon na siyang girlfriend? Kung sa bagay ay hindi na ako magtataka pa dahil sa kaguwapuhang taglay ni Rich. Baka iyon din ang paraan  niya upang mapatunayan niya sa akin na imposible ang ninananis kong pagmamahal sa kanya. Basta, marami pa ding mga nag po-pop out sa aking balintataw. Hanggang sa natapos na ang lahat at nakauwi na kami sa aming  tahanan.

Lumipas ang mga ilang buwan at patuloy pa rin ang aming buhay bilang estudyante. Nakakabawi na din sa amin si Rich ngunit kapag lumalabas kami ay lagi niyang kasama si Thea. Mas nakilala ko pa si Thea ng lubusan. Anak siya ng isang manager ng sikat din na restaurant tulad ni Mommy ngunit pang umaga ang pasok           nito kumpara kay Mommy na laging graveyard shift. Bago pa man daw nila natamasa ang kaunlaran ay nanggaling din sila sa salat na pamumuhay. Ngunit dahil sa awa ng Maykapal at sa buong tiyaga ng kanyang mga magulang ay nagbunga ito ng unti-unting pagsagana ng kanilang buhay, hanggang sa naabot na din nila ang buhay na kanilang inaasam. Mabait at madaling pakitunguhan si Thea. Minsan ko siyang tinanong kung mahal ba niya si Rich. Mahal na mahal daw niya ito na parang ayaw na niya itong biwatan pa. Kung may ano pa ring kirot sa aking damdamin noong marinig ko iyon. Oo tanggap ko na wala na talaga akong pag-asa kay Rich pero parang naipapamukha pa nila sa akin iyon sa pamamagitan ng matatamis nilang ginagawa kapag kasama kami. Kung minsan pa nga ay si Thea pa ang naglalambing kay Rich. Suwerte niya sa kanyang kasintahan. Nanawa na din ako sa mga nakikita ko sa kanila kaya itinuon ko na lang ang aking sarili sa pag-aaral ng maigi. Panay ang pagsali ko sa mga contest, mapa-kung saan man ang mayroong patimpalak ay nagkukusang-loob akong lumalapit sa aming administrator upang mag register. Hindi ako nabibigo sa pagsali sa mga patimpalak sapagkat nakakakuha ako ng mga medalya at tropeyo. Mula noon ay nakilala na din ako sa aming campus. Mga ilang buwan pa muli ang lumipas ay nakakausad na muli ako. Nawala na ng tuluyan ang pagtingin ko kay Rich. Mas pinagtuunan ko ng pansin ang pag-aaral. Naisip ko kasi na mas may mapapala pa ako kung paghuhusayan ko ang aking pag-aaral kaysa sa tumanga sa taong hindi naman ako mamahalin. Natuwa sa akin si Kyle dahil nakikita niya ang katatagan ko.

Dumaan muli ang maraming buwan. Malapit na kami magtapos ng highschool. Nagyon ay abala kami ni Kyle sa paghahanap ng Unibersidad na maaari namin pasukan sa unang semestre. Kumuha kami ng mga entance exams. Masuwerte kami at naipasa namin ang lahat ng iyon. Plano ni Kyle na kumuha ng Bachelor of Arts in Mass Communication Major in Broadcasting at ako naman ay Bachelor of Science in Hotel and Restaurant Management. Inimbitahan namin si Rich upang sumama noon ngunit nakakuha na pala sila ng resulta ng kanilang exams sa mga unibesidad na pinagkuhaan din namin ng pagsusulit. Naging mas abala pa kami sa mga gawain sa paaralan, lalo pa at nagsisimula na kami magsanay para sa aming graduation program. Tulung-tulong ang lahat sa preparasyon at paghahanda din ng mga persentasyon sa dadating na programa na iyon. May iba na nalulungot, ang iba naman ay may ngiti. Halo naman ang nararamdaman ko. Oo masaya dahil matapos ng lahat ng ito sa highschool ay makakatungtong na din ng Kolehiyo upang magpatuloy, malapit ko na din maisakatuparan ang aking mga pangarap. Hanggang sa dumating na ang araw na pinaka-aantay namin, ang graduation.

Bago pa magsimula ang programa ay napapansin ko ang dalawang magkasintahan, si Rich si Thea na hindi nagkikibuan. Magkatabi ngunit naghahari sa kanila ang katahimikan. Bakit kaya ganoon? Napansin ko din sa tabi ko si Kyle na umiiyak na gayong wala pa naman sa kalagitnaan ang programa.

                “Ang OA mo naman. Wala pa nga tayo sa graduation song natin kung maka iyak ka wagas.” Natatawa kong tugon sa kanya. Ang OA talaga ni Kyle kahit kailan.

                “Eh bakit? Masama ba maging emosyonal?” Tumingin siya sa harapan na kung saan nakaupo si Steven.

                “Ahh.  Si Steven ang iniiyakan mo ano? Kung maka-iyak naman ‘to parang hindi na kayo muling magkikita pa.”

                “Mamimiss ko siya eh. ‘Yung mga pa-sweet na message niya sa akin sa facebook, ‘yung mga lambing niya sa akin kapag nasa school tayo, ‘tas yung mga yakap niya sa akin.” Malungkot na sambit niya.

                “Ha ha ha! Natawa naman ako sa iyo. Mga paglalambing lang naman niya iyon sa iyo. Kung maka-iyak ka naman grabe parang syota ka niya na hiniwalayan ka.”

                “Eh ano naman sa iyo?” Mataray ang pagkakasambit niya. “Eh kasi.... kasi....”

                “Nahuhulog ka na?” Tanong ko.

                “Oo Jam.” Tumulo muli ang luha nito. “Pero hindi ko masabi sa kanya. Baka kasi tulad din ng iyo, indi din niya matanggap.” Dagdag niya.

Niyakap ko siya. Gusto kong mapakalma ang aking kaibigan.

                “Ok lang yan Kyle. Ako nga hindi ko din nakuha ang taong nais ko. Ngayon ikaw naman ang tutulungan ko.” Ngumiti ako sa kanya.

                “Ikaw talaga Jam.” Tinanggal niya ang aking pagkakayakap. “Sayang ka talaga. Sana hindi ka na lang naging bading.” Dagdag niya.

                “Naku Kyle, Smile lang. Sige ka sayang make up mo.”

                “Ay oo naku alas tres pa lang pinaghandaan ko na ito. Ayoko masayang ang ganda ko. Tatalbugan ko ang kagandahan ni Thea ngayon noh? Waley ang fesluk niya sa akin” Pabiro niya ito.

Nagtuloy-tuloy pa ang aming usapan hanggang sa nagtatawag na ng mga honors. Sa awa ng Maykapal, ako ang Valedictorian. Kung dati naman ay laging 3rd honor lang si Kyle, ngayon ay nasingkit niya ang pagiging Salutatorian. At ang 1st honor, si Rich. Nagulat kami dahil kada taon ay laging pumapangalawa si Rich sa ranking habang pangatlo naman si Kyle. Labis na ikinatuwa ni Kyle ang kanyang natamasa ngunit nagtataka ako kay Rich. Napansin ko sa kanya na may lungkot sa kanyang mga mata, ganoon din si Thea. Mukhang hindi maayos ang dalawa.

Nagpatuloy pa din ang programa. Inilahad ko ang aking Valedictory address, sumunod si Kyle upang ilahad ang kanyang salutatory address. Hinaluan niya ito ng biro para daw mawala ang aming lungkot na naghahari sa programa subalit hindi pa nagsisimula ang kanyang speech ay todo na ang pag-iyak nito. Sa huli ay nagawa niya ng maayos ang paglalahad ng kanyang speech. Hanggang sa natapos na din ang programa. Maraming naluha sa pagtatapos, marami din ang may ngiti sa kanilang mukha. May mga eksenang yakapan at ang iba naman ay nagpakuha ng kanilang mga litrato kasama ang iba naming mga kaklase. Hindi nagpahuli si Kyle, nilapitan niya si Steven. Hindi ko na sila nilapitan ngunit nasaksihan ko ang pagyayakapan ng dalawa. Ang haba ng buhok ng bestfriend ko at mukhang hmmm. . . Bahala na basta ang importante masaya ang bestfriend ko. Sa kanang bahagi ay nilapitan ko si Rich, nag-iisa lamang ito. Tinapik ko siya. Lumingon naman ito agad.

                “Bestfriend, congrats.” Inilahad ko ang kamay ko. Hindi niya iyon inabot. Nagulat ako sa kanyang ginawa. Niyakap niya ako. Mas mahigpit, mas may dating. Sumapo ang kanyang ulo sa aking balikat. Nakaramdam ako ng mabilis na pagpintig ng aking puso, ngunit hindi na tulad ng dati na nanlalambot ako. Natanggap ko na kasi na wala na talaga ako pag-asa sa kanya. Hindi na din ako apektado sa kung anong mayroon sila ni Thea. Tulad ng sabi ko, matatag na ako. Humikbi ito.

                “I’m so sorry Jam.” Mahina niyang tugon sa akin.

                “Para saan?” Nagtataka kong tanong.

Pinunasan niya ang kanyang luha at tumakbo papalayo. Nais ko sana siyang sundan ngunit hinila ako ni Kyle. Mukhang masaya ang bruha at parang may balitang ihahatid  sa akin.

                “Kinikilig ako! Hindi ko kaya Jam! Maiihi ata ako sa panty ko!” Wika niya habang pumapadyak sa saya.

                “Oh eh bakit?” Nakangiti kong tanong.

                “Doon din siya mag-aaral sa papasukan natin! Gravacious delicious nakakalurkey evah ang beauty ng bestfriend mo!” Hindi pa din siya tumitigil sa kakatalon.

                “Oh eh ano ngayon?” Seryoso kong tanong ngunit pabiro ang dating para sa akin.

                “Ang KJ mo! Purke’t wala lang kasing magpapakilig sa ‘yo kung makareact ka parang galit sa mundo.” Mataray na sambit niya. “Pero bestfriend aminin mo masaya ka sa akin ‘di ba?” Biglang napalitan ng kagalakan ang mataray na pagkatao niya. Iba din itong si Kyle.

Masayang nagsiuwian ang lahat. Ang sarap sa pakiramdam ang makapagtapos muli. Ngayon ay haharapin ko na ang buhay sa kolehiyo. Mas pagsisikapan ko pa ang pag-aaral dahil dito nakasalalay ang magiging takbo ng aking kinabukasan. Masaya akong sinalubong ni Mommy at Daddy sa aking kinatatayuan. May mga luha na nag-uunahan sa kanilang mga pisngi. Ramdam ko ang kanilang saya.

                “Congratulations anak! You made us really proud of you!” Si Mommy habang nakayakap sa akin.

                “Isang magandang sukli para sa aming paghihirap ang natamasa mo ngayon Jam. Thank you anak! We really love you so much! Hindi mo talaga kami binibigo ng Mommy mo.” Si daddy habang nakatingin sa amin ni Mommy na nagyayakapan.

Bilang anak ay dapat kong suklian ang kanilang paghihirap sa pamamagitan ng pag-aaral ng mabuti, at ito na ang bunga ng lahat. Para sa kanila, isang  napakahalaga na makita nila ang kanilang anak na makapagtapos sa pag-aaral, at ito lamang ang ating magandang paraan para mapalitan ang kanilang paghihirap sa atin. Ramdam ko na unti-unti ko na din nasusuklian ang paghihirap na iyon.

Ngunit sa kasiyahan na iyon ay hindi ko maiwasang isipin ang eksena namin ni Rich kanina. Umiiyak siya kanina at ramdam ko na mayroon siyang pinagdadaanan. Hinanap ko si Thea ngunit hindi ko na din siya nakita pa. May problema kaya silang dalawa? Bakit ganoon na lang ang pagkakayakap sa akin ni Rich. Kakaiba ang kanyang yakap kanina. May diin, may lakas. Naglapat ang aming katawan at naramdaman ko ang nakaumbok sa kanyang pang-ibaba. Hindi lang ako nagpahalata ngunit pinipigilan ko ang aking sarili. Gusto ko maging matatag pero bilang matalik na kaibigan ay nais kong malaman kung ano ang kanyang dinadala at nais ko siyang tulungan. Bestfriend ko pa din siya at kababata ko. Hindi ko siya dapat pabayaan.

Pagka-uwi ko ay tinext ko siya. Hindi nag-rereply ito. Minabuti kong tumawag sa kanya. Sinagot naman niya kaagad ang tawag ko.

                “Hello Rich.” Pambingad ko.

                “Jam?” Sagot niya. Narinig ko ang pagkahikbi nito.

                “May problema ba?” Tanong ko.

                “Jam I’m so sorry.” Patuloy pa din ang kanyang paghikbi.

                “Hindi kita maintindihan Rich. Para saan ba ‘yung sorry mo?”

Isang rebelasyon muli ang nalaman ko nayumanig sa akin. Hindi ko mapigilan ang magulat at umiyak. Nagunit para saan pa ba ang pag-iyak ko gayong tinanggap ko na sa sarili ko na huwag na umasa. Para akong hinila pabalik. Ano ang aking gagawn? Ngayon ako mas naguguluhan sa kanya. Totoo ba talaga ang aking narinig? Diyos ko tulungan ninyo ako.