Followers

Saturday, August 17, 2013

You're Really The One (Chapter 5)



The Side of Rich

Taon na ang lumipas simula noong huli kaming magkita ni Jam, ang eksena na inilayo siya sa akin ng kanyang Mommy. Sa hindi ko pa noong matukoy na dahilan ay gumulo iyon sa napakamura kong pag-iisip. Hanggang sa napagtanto ko na marahil alam na nila ang ginawa ng aking Tatay. Hindi lamang sila ang lumalayo sa akin kundi pati na rin ang ilan kong mga kaklase. Araw-araw akong tinutukso na mamamatay tao daw ang aking ama. Lagi na nila ako pinagdidiskitahan, binabato nila ang bag ko, tinatapon ang baon ko, at ipinapahiya sa mga iba ko pang mga kaklase. Dahil doon ay inilahad ko iyon kay Nanay.  Hindi ko na kasi matagalan pa ang ginagawa ng aking mga kaklase. Nasasaktan na ako at dahil nagkakaisip na din ako ay mas nadadama ko pa ang sakit. Mula noon ay napagdesisyunan namin ni Nanay na makipagsapalaran sa Maynila. Manunuluyan muna kami sa kanyang Pinsan doon at magsisilbing katulong sa mga gawaing bahay. May kaya ang Tita ko ayon kay Nanay, maganda ang buhay at madalas daw ang pagpupunta ng ibang bansa. Mukhang ito na ang aming bagong pag-asa, bagong panimula sa mga masasalimuot na kaganapan sa amin. Iiwanan na namin ang Cavite. Ngunit nalungkot ako nang maalala ko si Jam. Hindi ko na muli siyang makikita pa. Gusto ko magpaalam ngunit alam ko na ilalayo lamang siya ng kanyang mga magulang sa akin. Pumikit na lamang ako at humiling.

“Sa muli naming pagkikita ni Jam nawa’y pagbigyan kami ng pagkakataong maging magkaibigan muli.” Hiling na namutawi sa aking bibig.

Tinungo na anmin ang sakayan ng Bus. Heto at tuloy na ang aming paglisan. Maraming alaala ang sadyang mamimiss ko doon. Kahit na sa hirap ng buhay namin ay may mga masasayang bagay pa din na nangyari sa amin, lalo na sa amin ni Nanay. Nilingon ko sa bintana ng Bus ang daan sa aming bayan ngunit nalampasan agad ng bus iyon. Huminga ako ng malalim, hudyat ng bagong simula sa takbo ng aming buhay.

Ilang oras lang ay natungo na namin ang Maynila. Kakaiba ang lugar na ito, mas modernong tingnan kumpara sa mala-probinsyang tema ng aming lugar sa Cavite. Kung dati ay pangarap ko lang na magpunta dito pero ngayon ay naglalakad na ako sa lugar na pinapangarap kong mapuntahan. Ngunit sa aking akala noon na maganda ang kabuuan ng Maynila ay nawala ang aking pagkasabik. Maingay, magulo at halo-halo ang mga tao. Marami din ang mga bata na palaboy-laboy. Masuwerte pa rin pala ako dahil hindi ko kailangan na matulog sa kalye, mamalimos at magutom kumpara sa kanila. Sa akala kong maunlad ang Maynila ay ngayon ko lang nasaksihan na may naghihirap pa rin. Kawawa naman sila. Gayon pa man ay marami pa din ang angat base sa napapansin kong mga tao. Kada lingon ay may mga cellphone na hawak, magagara ang mga damit at may mga dalang kotse ang karamihan. Mukhang tama nga ang sabi ng aking Guro, sa Maynila ang pag-asa ng karamihan sa atin bukod sa pag aabroad.

Tumungo na kami ni Nanay sa bahay ng aking Tita. Sumakay kami ng jeep upang makarating doon. Lumipas lamang ng 15 minuto ay bumaba na kami. Isang magarang bahay ang tumambad sa amin. Kahit si Nanay ay nagdadalawang isip kung iyon nga ba ang bahay ni Tita.

“Mukhang ito na ang bahay ng tita mo.” Wika niya. “Ito ‘yung binigay niyang address sa akin noong tinawagan ko siya. Napakalaki ng bahay ni tita mo. Ang sarap na siguro ng buhay niya.” Dagdag pa niya.

Tinungo namin ang gate, pinindot ng doorbell at nag-antay. Makaraan lamang ng isang minuto ay binuksan ang gate. Tumambad sa amin ang isang babae. Napakaganda at sa kanyang hitsura ay masasabi ko na may kaya siya sa buhay. Nagulat na lang ako noong niyakap niya si Nanay.

“Pinsan!” Wika ng babae habang kayakap si Nanay. “I miss you na pinsan!” Dagdag pa nito.

“Wow pinsan. Mukhang nabiyayan ka ng magandang buhay. Hindi na alintana sa iyo ang paghihirap natin  noon ah?” Wika ni Nanay.

“Naku, mabuti nga at pinagpala akong magkaroon ng mabuting asawa. Kung hindi sa sipag at tiyaga niya, siguradong nganga pa din ako.” Patawang sabi ng babae na napagtanto ko na si Tita nga iyon. “Oh siya ba ang anak mo? “ Dagdag niya.

“Oo, si Rich nga pala, anak namin ni Ernesto.” Inilapit ako ni mama kay Tita. Ngumiti na lamang ako upang ipakita ang masayang pagbati.

“Ang guwapo naman pala ng anak mo. Hindi na ako magtataka eh ang ganda ng Nanay eh! Ha ha ha!” Pabiro ni Tita. “Halika na at pumasok na tayo. Ihahatid ko na kayo sa iyong kuwarto.” Dagdag pa niya.

“Salamat sa pagpapatira mo sa amin dito pinsan. Hayaan mo bilang kapalit ay tutulong ako sa mga gawain dito sa bahay. Sa kung anuman ang ipagagawa mo sa akin ay siyang tatanggapin ko.” Sambit ni Nanay.

“Oh siya pag-usapan na lang natin sa loob ‘yan pinsan. Sino pa ba ang magtutulungan kundi tayo lang naman din hindi ba?” Pangiting sabi ni Tita. Ngumiti kami ni Nanay.

Sa aking inaasahan ay maganda din ang loob ng bahay ni Tita. Maaliwalas at mas malaki ito. Malalaki rin ang mga bintana, makintab ang sahig, at pumukaw sa akin muli ang isang ilaw na malaki na nakasabit sa gitna ng kanilang salas. Naalala ko ang bahay nila Jam na may ganoon din sila. Naalala ko muli ang lahat kay Jam. Kamusta na kaya siya? Hinahanap kaya niya ako? Hindi ako nakapag-paalam sa kanya kaya siguro may tampo din iyon. Pero sa kabilang banda ay naalala ko ang hiling ko. Panghahawakan ko iyon. Sana makita ko pa muli si Jam. Kahit na isang araw lang na pagkakaibigan na iyon ay ramdam ko ang kakaibang saya. Kailan ko ulit mararamdaman iyon?

Nag-ayos na kami ni Nanay ng gamit. Pagbukas ko pa lang ng aking bag ay tumambad sa akin ang dalawang stuff toys na Mickey Mouse. Muli kong naalala si Jam. Nakakamiss ang kaibigan kong iyon. Pero mukhang malabo ko na siyang makita pa. Tila malayo ang Maynila sa Cavite. Nalungkot ako. Napansin iyon ni Nanay sa akin. Nilapitan niya ako.

“Ang lungkot ng anak ko. May problema ba?” Tanong sa akin ni Nanay.

“Naalala ko lang ang tao na nagbigay sa akin nito.” Ipinakita ko ang dalawang stuff toys. “Namimiss ko siya.” Dagdag ko.

Hinimas ni Nanay ang aking likod. Tumugon siya.

“Okay lang ‘yan anak. Huwag ka mag-alala makikita mo din siya ulit. Hindi ko nga alam bakit ka ganyan eh isang araw lang kayo naging magkaibigan.”

Yumuko ako. Hindi ko nga din alam kung bakit ganito ang aking pakiramdam kay Jam. Isang araw pa lang kami noon naging magkaibigan pero hindi ko pa din siya makalimutan hanggang ngayon. Talaga bang napakaimportante sa akin ni Jam gayong isang araw ko lang siya nakasama? Niyakap ko ang ibinigay niyang stuff toys sa akin saka ko inilagay sa ibabaw ng aking kama. Iyon ang natatanging magandang regalo niya sa akin. Oo regalo ko na din maituturing ang mga iyon.  Sana naaalala pa din niya ako. Sana sa susunod namin pagkikita ay hindi pa din niya ako makalimutan, kung sakali ngang magkita pa kami.

Naging maganda ang takbo ng aming buhay sa Maynila. Sa tulong ng aking Tita ay naiapgpatuloy ko ang aking pag-aaral sa ikalawang baitang sa elementarya. Napagtagumpayan ko ang aking pag-aaral hanggang sa makagraduate ako sa ikaanim na baitang. Salutatorian ako sa aming batch noon na ikinatuwa ni Nanay at Tita. Sa wakas, nakasama na si Nanay sa panonood ng aking graduation. Mangiyak-ngiyak ang Nanay noong isinabit na niya sa akin ang aking medalya. Niyakap niya ako at bumulong sa akin.

“Proud na proud ako sa iyo Anak. Mahal na mahal kita.” Humikbi siya at hinigpitan pa ang yakap sa akin.

Ramdam ko ang pagmamahal at suporta ni Nanay. Pati na din si Tita. Matapos ang graduation  ay isang selebrasyon sa bahay ni tita ang kanyang handog.

“We are so proud of you Rich! Naramdaman ko ang pagpapahalaga ng mga tulong ko sa iyo. Sa dami kong tinulungan ay ngayon lang ako nakadama ng saya sa iyo.” Maluha na sambit ni Tita. “ Kung nagka-anak man ako, gusto ko ng katulad mo.” Dagdag pa niya.

Walang anak si Tita dahil sa kumplikasyon niya sa kanyang matres. Nais man nila na magkaroon ay hindi na daw maaari ayon sa kanyang doktor. Kaya naiintindihan ko kung ganoon na lamang si Tita sa akin. Sabik siguro sa anak. Itinuloy namin ang pagdiriwang sa aking tagumpay. Mga ilang oras ang lumipas ay may magandang regalo pa sa akin si Tita na siyang ikinatuwa ko. Pag-aaralin niya ako sa kilala at pribadong paaralan sa Maynila. Labis kong ikinatuwa iyon dahil hindi ko inasahan ang magang balita na iyon sa akin. Nagalak ang lahat lalo na si Nanay na mahigpit ang yakap sa akin. Gusto kong sabihin sa Tatay ko na sino ang malas ngayon, pero sa kabilang banda ay naaawa pa rin ako sa kanya. Tatay ko pa din siya at hindi ko maaaring itanggi iyon. Nakakamiss din pala si Tatay. Ngunit kahit naman nagkakamit ako ng ganito ay wala siyang pakalam. May galit ako ngunit may awa din. Kamusta na kaya ang Tatay? Ang sabi ni Nanay sa akin ay galit pa din siya sa akin noong nagpaalam si Nanay na luluwas kami papuntang Maynila. Ayaw ko na muling isipin ang masasakit nakaraan ko, nagsisimula na ako para sa magandang kinabukasan namin ni Nanay. Sa tulong ni Tita ay malapit ko na din mapagtagumpayan ang lahat.

Naging maganda na muli ang takbo ng aming buhay ni Nanay. Ibang Rich na ako kumpara noon na tahimik at tipid magsalita. Masiyahin at masiglang Rich na ang nakikita nila sa akin. Nagagawa ko na din ang magbiro sa kanila na ginagawa ni Tita madalas. Marami na din ang nagbago sa akin. Tumangkad pa ako, naging makinis ang moreno kong balat, mas gumuwapo ayon sa kanila. Hindi na din malayo ang hitsura ko sa mga taga-Maynila. Sa tulong pa din ni Tita at sa sahod na natatanggap ni Nanay kay Tita ay natutulungan nila ako sa lahat ng bagay. Kahit si Nanay din ay lumitaw ang muling kagandahan nito. Mas maganda na ang lagay namin kapiling ang mapagmahal at matulungin kong Tita.

Lumipas ang dalawang buwan na bakasyon. Sa Manila Science Highschool ako nag-enroll. Handa na ako para sa aking unang pagpasok. Alam ko na ibang-iba ang kalakaran ng pribadong paaralan kumpara sa publikong paaran, at dahil sa kilalang Paaralan pa ito ay sigurado ako sa kalidad ng edukasyon dito. At heto na ang unang araw. Sa pag gising ko pa lamang ay isang halik sa noo ang nagpagising sa akin. Si Nanay.

“Kamusta ang matalino kong anak?” Pambungad niya sa akin na may ngiti.

“Nanay naman oh purke’t naging salutatorian lang ang anak matalino na agad.” Pangiti kong sagot.

“Ha ha ha! Halika na nga at maligo ka na.” Hinila niya ang aking kamay.

“Nay, huwag na.”

“Anong huwag na?”

“Huwag niyo na ako paliguan ha?” Pabiro ko.

“Hay naku kung hindi ka pa tatayo diyan ako ang magpapaligo sa iyo.” Pangiting sambit niya. Nagtawanan kaming dalawa.

Pagkatapos ko mag-ayos ng aking sarili ay tumungo na ako sa kusina. Nakahanda na ang aking mga gamit sa pagpasok, pati na rin ang aking almusal.

“Himala ata ‘to? Tita akong milagro ang nababalot ngayon sa bahay?” Tanong ko kay Tita.

“Bakit? Hindi mo ba alam na Prinsipe ka na? Pinaglilingkuran ka na kaya ngayon Rich.” Patawang sagot ni Tita.

“So ganoon na pala ngayon? Sige Tita nasaan ang driver ko at mailagay na niya ‘yung bag ko sa kotse.”

“Naku mahal na prinsipe hindi uso sa panahon mo ang kotse. Sa Carriage kamo.” Pabiro ni Tita. Sabay kami humalakhak.

Matapos ang lahat sa bahay ay nagtungo na ako sa sasakyan. Nagpaalam na ako sa kanila nang humirit pa si Tita.

“Oh Manong yung buhok niyan baka maipit ng pinto ng kotse. Teka lang.” Lumapit ito at nagkunwaring kinuha ang buhok at itinabi. “Oh siya mahal na Prinsipe baka ma-late ka pa” Dagdag pa nito.

Natawa kaming lahat. Ganoon kami ka close ni tita. Parang magpinsan lang ang turingan namin. Tumungo na kami papunta sa paaralan.

Unang araw pa lamang ay may halong kaba at excitement. Bagong mundo ang gagalawan ko sapagkat karamihan sa mga kaklase ko ay may kaya din sa buhay. Ang iba nga ay may cellphone pang dala, mga naggagandahang mga kasuotan nila. Dahil unang araw pa lang iyon ay pinapayagan pa ang pagsusuot ng civilian kaya pansinin ang mga damit nilang branded.

Sinumulan ko na ang paghahanap ng aking room. Habang naglalakad ay may kumalabit sa akin.

“Hi Pogi.” Malamyang boses iyon. Tiyak ako na hindi babae ang nagsabi noon.

Pagharap ko ay isang ngiti ang pambungad niya sa akin. Kasing tangkad ko lang siya, maputi, chinito at gwapo sana kung naging lalaki ito. Kung sabagay ay mukha naman siyang lalaki ngunit nakasuot ito ng headband na napakalaki ang ribbon sa taas. Muli itong nagsalita.

“Ask ko lang sana if anong year mo na?” Pangiting wika sa akin.

“First year pa lang po. Ikaw ba?” Binalik ko sa kanya ang tanong.

“Ay same here!” Malakas ang pagkakasambit nito dahilan ng pagkuha niya ng atensiyon ng karamihan. “Sorry naman masyado bang malakas?” Tanong niya sa akin.

“Kung hindi ba malakas sa tingin mo titingin sila sa iyo?” Pabiro kong sabi.

“Wow! Bet ko ‘yang humor mo te! Siya nga pala I’m Kyle.” Inilahad niya ang kanyang Kamay. Inabot ko naman iyon at nakapgkamay sa kanya.

“Hula ko, Kylie ang pangalan mo tuwing gabi no?” Pabiro ko sa kanya.

“Ay talagang kailangan sa gabi lang may screen name? Ano akala mo sa akin? Ibahin mo ako sa mga baklang nakikilala mo. Mas maganda ako sa kanila no!” Hirit niya sa akin. Napatawa ako doon. “Anyways anong room mo ba?” Dagdag niya.

“107, ikaw ba?”

Napahampas siya sa aking braso. Natuwa siya.

“Classmate!” Masiglang wika niya sabay ang pagbeso nito sa akin. Nagulat ako sa ginawa niya.

Hinanap na namin ang aming room. Sa paglalakad namin na iyon ay marami na agad akong nalaman kay Kyle. Taga Binondo daw siya, may halong Chinese ang kanyang lahi. May kaya ang kanyang Pappie at Mammie. 1st honor siya noong ika amin na baitang. Masiyahin siya ngunit ubod ng daldal. Gayon pa man ay mukhang masaya pa din siyang kasama.  Maya-maya lamang ay napasigaw ito.

“Ayyyyyyyyy!”  Dahil doon ay nagsi-tinginan ulit sa kanya ang mga tao. Nagulat ako sa sigaw niya.

“Oh bakit?” Tanong ko.

“Heto na pala ang room halika na pumasok na tayo” Biglang seryoso ang pagkakasabi ni Kyle sabay tulak sa akin papasok.

“OA lang ha Kyle.” Tugon ko.

“Tara dito tayo maupo sa unahan. Hindi mapapansin ang beauty ko. Wasang ang kagandahan kaya dito tayo.” Hinila niya ako sa bandang kanan ng room upang doon umupo.

Uupo na sana ako nang may napansin ako sa bandang gitna ng aming kuwarto. Nanlaki ang mata ko ngunit hindi ako sigurado kung siya nga iyon. Ngunit nang humarap siya ay napatayo din ito. Totoo ba ito? Hindi na ako nagkakamali na siya nga iyon dahil sa pinakita din niyang reaksyon sa akin. Sa hindi ko maipaliwanag na kilos ko ay lumapit ako sa kanya. Pinagmasdan ko siya muli. Hindi na ako nagpaligoy-ligoy pa kaya tinanong ko siya.

“Jam, Ikaw ba ‘yan?” Nanginginig kong sambit.

Nagulat ako sa kanyang ginawa, niyakap niya ako ng napakahigpit. Naaalla ko ang huli niyang pagyakap sa akin noong huli anming pagkikita. Nadama ko muli ang naudlot na pagkakaibigan. Tinapik ko ang kanyang likod na nangangahulugan na pagtanggap ko sa kanyang yakap.

“Sabi ko na nga ba ika iyan Rich!” Tinanggal niya ang kanyang kamay na nakayakap sa akin. Tumingin siya sa aking mga mata. Napatingin din ako sa kanyang mata. Kakaiba ang dating sa akin noon, nakakanerbiyos ngunit may tuwa sa aking damdamin. Nagsalita siya muli.

“Grabe! Ang liit talaga ng mundo! I couldn’t believe na magkikita pa tayo!” Masayang tugon niya sa akin. Para siyang bata. Nakikita ko pa din sa kanya ang ganoong ginagawa niya noong bata pa kami. Hawak niya ang aking braso at nakangiti sa akin.

“Oo nga grabe. Hindi ka na ba sa Cavite nakatira ngayon?” Tanong ko sa kanya.

“Doon pa din, pero gusto ng parents ko na ‘pag first year ko na ay dito na nila ako pag-aaralin. We have our house here sa San Lazaro.” Ngumiti siya matapos niyang sumagot. Kumindat ito sa akin dahilan ng aking pagngiti.

“Ahh I see. Kami naman sa Malate. Nakikitira kami sa Tita ko. Siya nagpapa-aral sa akin since nung half year ng grade 2.” Pangiti kong wika.

“Ahh kaya pala.” Humugot ito ng hininga. “Akala ko kasi ayaw mo lang magpakita sa akin.” Dagdag pa niya.

“Huh? Ano ka ba? Hindi noh? Actually hanggang ngayon nga naaalala pa rin kita eh?”

“Talaga? Uhm ikaw nga din eh he he he.”

“Aba! Ano ang gaganapang ito? Kasama ba ‘to sa curriculum ng school na ang tema ay get-to-know each other, leave and get-to-know other peson lang? Kaloka!” Si kyle na sumingit sa usapan.

“Naku, sorry Kyle. By the way he’s my childhood friend Jam.” Ipinakilala ko si Kyle kay Jam. Namula si carl nang inilahad ni Jam ang kanyang kamay. Inabot niya ito.

“Nice to meet you Kyle.” Pangiting wika ni Jam.

Hinila ako ni Kyle papunta sa pinto, sabay ang pagpalo sa akin sa balikat.

“Hala? Bakit?” Gulat kong tanong.

“Rich naman eh, ang guwapo! Hindi ko carry ang kagwapuhan ng Friend mo! Maiihi ata ako sa panty ko neto!” Si Kyle, kilig na kilig.

“Halika na nga dito at kakausapin ko pa ang kababata ko.” Hinila ko si Kyle pabalik at pumuwesto kung saan nakaupo si Jam. Nagkangitian kami.

“Sorry Jam, may pinag-usapan lang kami.” Palusot ko kay Jam.

“It’s okay Rich. Oh kamusta ka na?” tanong niya sa akin.

“Ako ba hindi mo ba ako kakamustahin?” Malambing na sambit ni Kyle. Kinurot ko siya sa kanyang baywang.

“Aray!” Umayos ang kanyang pagkakaupo, tinignan ako ng malalim. “Masyado ka ha? Masakit kaya? Gusto mo sa ‘yo ko i-try para malaman mo?” Sabay lingon ulit kay Jam. “I’m so sorry Jam. Paepal lang ‘yan si Rich eh nagseselos lang ‘yan dahil ikaw ang gusto ko hindi siya.” Pabiro nito.

“Aba? Nangangarap ka ng gising? Kakakilala ko pa lang sa iyo may gusto na agad?” Patawa kong sambit.

“Ano ka ba huwa mo na ipagkaila. Ako ang pinakamagandang nilalang na nag-aaral sa campus na ito.” Sabay ang pagtawa nito na mala-Nicole Hyala ang pagtawa. Natawa na din kami ni Jam.

Hindi ako makapaniwala sa mga pangyayari. Nagkita na kami ni Jam. Hindi ko alam pero sobra akong nagalak sa muli naming pagkikita. Malaki ang pagbabago ni Jam. Gumuwapo, tumangkad, kuminis ang kanyang maputing balat, mapupula ang kanyang mga labi, nagpadagdag pa ang kanyang salamin na suot. Kung babae lang sana ako ay siguradong isa ako sa mahuhulog din sa kanya. Kaya siguro ganoon na lang din si Kyle kung kiligin. Iba na talaga siya sa nakilala kong si Jam.

Simula noong araw na iyon ay lagi kaming magkasamang tatlo. Ako, si Jam at si Kyle. Naging masaya ang unang buwan namin sa paaralan. Pinuno namin ng saya ang buwan na iyon. Teamwork kami pagdating sa pag-aaral. Valedictorian pala si Jam noong Grade 6 niya, Salutatorian ako at si Kyle naman ay nasa 1st honorable. Masisipag silang mag-aral lalo na si Jam, dahilan ng pansinin siya ng aming mga teachers. Kumpleto na ang aking kaibigan, mabait, guwapo, matalino at mapagmahal. Naikuwento ko sa kanya ang dahilan ng aming paglayo sa Cavite . Nagulat siya sa mga narinig niya.

“Nakapatay ang Tatay mo?”

“Oo” Yumuko ako. “Dahil sa nangyari na iyon ay kriminal na din ang tingin sa akin ng mga tao, pati na din kay Nanay. Nilalayuan na kami ng mga tao sa bayan, pati mga kaklase ko ay pinipintasan na ako.” Tumulo ang aking luha. Mabilis na kumuha si Rich ng panyo at iniabot niya ito sa akin.

“Hindi ko alam ang pangyayari na iyan Rich. Hindi sinasabi nila Mommy ang tungkol doon. Tinatanong ko din sila ngunit tikom ang kanilang bibig.” Tumingin siya sa akin. Hindi ko papinupunasan ang aking luha. Kinuha niya ang panyo sa aking kamay, siya ang nagpunas sa aking luha. Nagulat ako doon kaya binawi ko ang panyo.

“ Ako na Jam, I’m so sorry.”

“Ngayon alam ko na.” Huminga siya ng malalim. Tinapik niya ako sa likod. Ngumiti sa akin. “Hindi mo kasalanan ‘yun. Si Tatay mo ang pumatay hindi ikaw.”

Sa edad pa lang namin na labindalawang taon ay naiintindihan na niya ang panyayari na iyon. Hindi katulad ng mga nasa edad namin na hindi nila maintindihan at nasa isip nila ang hindi magandang imahe.

“Kaya kami lumipat sa Manila para maisa-ayos lahat.” Ngumiti ako at hindi inalintana ang lungkot. “Heto na nga ako oh? Maayos na. Tapos nakita pa kita.” Lumingon ako sa kanya.

“Oo nga eh, ang liit ng mundo.” Pinasan niya ang balikat niya sa akin. “Oh i’m back na, pwede na natin ituloy ang pagkakaibigan natin right?”

Heto na ang aking hiling na matagal kong pinangarap. Ang magkita at maging magkaibigan kami.  Hindi ko maitago ang saya ko kaya bigla ko siyang niyakap. Tinapik niya ang aking likod.

“Ngayon I can expalin to my parents that you should not the one to blame, na hindi mo kasalanan iyon. Naiintindihan ko din sila kasi bata pa tayo ang they want for me to be safe. Pero may isip na din ako kahit papaano. Mabait din sila Mommy so I think the will understand.” Nakangiti siya sa akin. Napangiti na din ako sa tugon niya.

Nagsimula na ang lahat ng mga masasayang bagay sa amin ni Jam, kasama na din si Kyle na tinuring na din namin na kaibigan. Nawala na ang pagkahumaling ni Kyle noong may transferee sa amin na isang guwapo din. Doon na niya naibaling ang kanyang atensiyon. Masaya kaming tatlo na magkakasama. Naikuwento ko na din kay Nanay ang lahat. Nagulat nga siya at natuwa para sa akin. Isang araw ay ipinakilala ko sila kay Nanay noong nagpunta ito sa paaralan upang magbayad ng aking tuition. Mga ilang araw din ay ipinakilala muli ako sa mga magulang ni Jam, kasama si Kyle. Nagulat na lamang ako sa naging trato sa akin ng Mommy ni Jam. Nakangiti na ito.

“Oh hello there Rich! I’s been a long time since hindi na tayo nagkita.” Tugon niya sa akin.

“Hello po din Tita.” Tita? Hindi ko alam pero bakit ko nasabi iyon?

“Ha ha ha! Oh well from now on you may call me Tita. We are so sorry for what we did noong huling pagkikita niyo ni Jam. He explained us all things. Nagulat nga ako na kaklase ka niya and wow, sa private school pa! Pasensya ka na talaga Rich. Dahil sa takot namin para sa anak namin napilitan namin na ilayo siya sa iyo. But then  we realized na hindi mo kasalanan. So from now on welcome ka na sa amin.” Paliwanag ni Tita na nagpangiti sa akin. “And who is this beautiful. .  man?” Dagdag ng Mommy ni Jam.

“Kyle his name. He’s Gay.” Pagpapakilala ni Jam sa kanyang Mommy kay Kyle.

“Grabe need talagang i-specify na ‘gay’ ha Jam?” Pabiro nito. Tumawa naman ang kanyang Mommy.

Sa pagtatagpo na iyon ay nabuhayan ako. Parang himala ang mga nangyari sa akin. Kung noon ay kawawa ako, ngayon ay puro biyaya ang natatamasan ko.


Natapos na ang aming unang taon sa highschool. 1st honor ni Jam, pangalawa ako sa posisyon at sumunod naman si kyle. Masaya na naman muli nagdiwang ang aking mga kamag-anak. Gayon din ang pamilya nina Kyle at Jam. Nagkatagpo na din si nanay at ang Mommy ni Jam. Nagkakilala ng lubusan at mukhang close na nga ito, kasama din ang Mammie ni Kyle. Makalog din ang kanyang Mammie kaya hindi na ako magtataka kung mag-ina nga ang dalawa. Matapos ang ang ilang taon ay nanatili pa din na ganoon ang aming pagsasamahan, ganoon pa din ang buhay namin tatlo. Hanggang sa umapak na kami ng aming ikaapat na taon. Isang rebelasyon ang aking nalaman. Isang nakakagimbal sa akin pati na din sa kaibigan namin na si Kyle. Totoo nga ba ang kanyang sasabihin sa akin? Kung totoo nga ba ito, parehas din kaya kami ng nararamdaman? Isang pag-amin ang ikinagulat namin, lalo na si Kyle. 

2 comments:

  1. Malaki ang improvement ng paglalahad mo ng storya storya ngaun kumapara sa mga nakaraan. Mas smooth ang flow. Kya lng, may napansin pa rin akong ilang typographical errors na mga salita. May 1 o 2 salita n hindi nai-type. Nawala ung "be" sa should be the one. And it should be "lalake" and not lalaki. Pero overall, mas maganda ngaun ang pgkakalahad mo ng storya!

    ReplyDelete
    Replies
    1. Oh yeah~! ^_^ Ayan nagaganahan na ako tito :D Salamat~!

      Delete