Followers

Saturday, August 10, 2013

You're Really The One (Chapter 3)

CHAPTER THREE
Rich’s Point of View
Bakit ganoon? Sa nga hindi inaasahang mga pangyayari, sa araw-araw na lungkot ng buhay ko ay parang nagiging masaya dahil sa kanila, lalo na kay Jam. Para bang kapag nakikita ko yung masayang mukha niya ay parang ang saya niya maging kaibigan. Kaso maaari kaya na maging kaibigan ko siya dahil sa magkalayo ang estado ng buhay namin. Sana maging kaibigan ko siya. Sana.

Natapos na noon ang aking klase at tinungo ko ang gate. Palakad na ako pauwi noon anng maisip ko na pinapapunta pala ako ng Daddy ni Jam sa kanila. Ngunit nag dadalawang isip pa ako noon kung itutuloy ko ba ang pagpunta doon. Kung sabagay ay madadaanan ko naman ang kanilang bahay pag uuwi ako sa amin. Mukhang nakakahiya kung pupunta ba ako ngunit baka inaantay nila ako. Hanggang sa napagtanto ko na lamang na magtungo na lang, kung makikita nila akong dumaan ay hihinto ako pero kung hindi ay tuloy-tuloy na lamang ako maglalakad at uuwi.

Mga halos isang oras na lakaran din mula sa paaralan hanggang sa amin. Sa hirap ng aming buhay ay hindi sasapat ang dalawang piso kong baon sa araw-araw kung ako ay mamamasahe. Kulang pa nga iyon kung tutuusin dahil limang piso ang kada sakay sa tricyle. Sapat lamang din ang kinikita ni Nanay na pambuhay namin sa araw-araw at ang Tatay naman kahit ni isang singko ay walang naibibigay sa amin. Dapat nga ay si Tatay ang nagbabanat ng buto ngunit kay Nanay pa rin niya ito inaasa. Hindi ko ba alam sa aking Tatay kung nakikita ba niya ang hirap ni Nanay. Kung ako lang ay nasa tamang edad, mas nanaisin ko na ako na lamang ang magtataguyod sa aming pamilya, huwag ko lamang makita si Nanay na napapagod sa pang araw-araw. Mabuti pa nga ang pamilya ni Jam ay parehas na kumakayod ang kanyang mga magulang kaya’t hindi na nakakapagtaka ang kanilang masaganang pamumuhay. Naisip ko na balang araw ay magkaroon din kami na kung ano ang hinahangad ng karamihan, ang buhay na masagana na katulad ng sa pamilya ni Jam. Hiling ko din na ganoon din kami kasaya, na sa pang araw araw ay may mga matatamis na ngiti na nakapinta sa aming mga mukha na tila nasa isa lamang paraiso na puno ng saya. May dadating kaya na ganoong buhay para sa amin? Kahit hiling lang iyon ay magandang naisin na gawing makatotohanan iyon. Bilang bata na nakakaisip na din ng mga bagay-bagay sa buhay ay isa iyon sa mga nais kong magkaroon kapag lumaki ako.

Iyan ang mga naiisip ko habang naglalakad sa kalyeng napakainit. Tirik ang araw noon dahil tanghali ang aming uwian. Gayon pa man ay hindi ko iyon pinapansin. Ang makapasok at makauwi ay nakakasanayan ko nang gawin sa pang araw-araw. Sa aking pag-iisip ng mga bagay-bagay ay bigla na lamang ako nakarinig ng isang sigaw.

“Rich!”

Sigaw iyon ng isang bata. Pamilyar ang boses na ito at sa hindi ako nagkakamali ay kilala ko ang boses na iyon. Nang lumingon ako paharap ay isang bata ang nakatayo sa harapan ng gate.  Si Jam nga iyon.

“Dali! Halika pasok ka sa amin!” Masaya niyang tugon na may ngiti pa sa lanyang mga labi.

Nakita ko ang kanyang saya, at nang makaharap ko siya ay hinila niya ang aking kamay. Nagulat ako sa ginawa niya. Hinila niya iyon at tumakbo papasok ng kanilang bahay. Sa nakikita kong katauhan niya ay masiyahin ito, na para bang sabik sa isang tao na nais dalhin sa kanilang bahay.

Nakapasok na kami sa kanilang tahanan. Nilibot ko ang aking mga mata, mapakalaki at napakaganda ang nasa loob. Ang mga naglalakihang bintana na tumatagos ang sikat ng araw, ang mga upuan na tila malabot kung uupuan, ang napakakintab na puting sahig, pati ang itaas ng bahay ay aking natanaw. Sa gawing itaas ay may isang napakalaking bagay ang nakasabit, kumikinang at ubod ng ganda nito. Hindi ko alam kung ano ba iyon at mayroon silang palamuti na ubod ng laki. Bago pa lamang sa aking mga mata iton. Kung mayroon kami sa bahay noon ay sakop siguro ang buong bahay namin sa laki noon. Ano kaya iyon? Napansin ko din ang kanilang kusina na nasa bandang kaliwa ng bahay, mas malaki at malinis ito. May refrigerator, maayos na kalan, at tila kumpleto ang mga kagamitan sa pagluluto. Kung ipagkukumpara sa aming kusina ay mayroon lamang kaming isang kawali, isang kaldero, sandok, mga ilang plato, baso at kubyertos lamang ang makikita. Pansin ko din na makikinis na bakal ang kanilang mga kubyertos habang ang sa amin ay plastic lamang na minsan ay hinihingi lamang namin sa mga sikat na kaninan. Kung ano ang ikinaganda ng labas ng bahay ay siyang ikinaganda din sa loob. Maaliwalas at ang sarap tirahan. Ngayon lamang ako nakapasok sa ganoong bahay na kahit ako ay napanganga sa kagandahan noon.

Nagtungo kami paitaas, doon ko nakita ang isang babae na tila ay pagod ngunit may ngiti pa din sa kanyang mukha. Lumapit si Jam dito at pinakilala ako.

“Mommy this is Rich. Nakilala po namin ni Daddy kanina habang naglalakad.” Pangiting tugon nito sa babae na Mommy niya pala ito.

“Oh yes dear, the one that your Dadddy told me. Nice to meet you Rich.” Inilahad ang kamay nito sa akin na aking inabot at nakipagkamay.

“Ngayon lang nagpapasok si Jam ng kanyang kaibigan dito. Welcome ka dito anytime Rich since you are my son’s friend.” Dagdag pa nito.

Kaibigan pala agad ang turing sa akin ni Jam. Ganoon na pala kaagad? Gayon pa man ay kung akong saya sa akin na malaman iyon. Sa buhay ko ay ngayon lamang ako magkakaroon ng kaibigan. Oo kilala man ako sa paaralan dahil sa aking kasipagang mag-aral ngunit mailap sa akin ang magkaroon ng kaibigan. May sari-sariling mundo ang aking mga kaklase. Kung may laro sila ay hindi ako sinasali kaya nanonood na lamang ako sa kanila. Kung hindi man ay sinsasali pa din naman nila ako, pero hindi kasali sa buong laro nila kundi saling pusa lamang. Hindi man lang nasubukan ang makaranas ng laro na nilalaro nila, na kapag sa taya tayaan ay hindi ako tinataya, sa langit-lupa ay sumasama na lamang ako ngunit parang wala lang ako sa kanilang laro, wala naman talaga ako. Kaya nalulungkot ako, naiiyak minsan dahil bilang bata ay nais ko din magraoon ng mga kalaro na sa kanilang laro ay kasali talaga ako, na maranasan ko din mataya at hahabol ng tatayain. Mukhang nahanap ko na iyon sa katauhan ni Jam, ang bago kong kaibigan. Kahit na hindi man siya nagtanong sa akin kung maaari ba ako maging kaibigan ay tanggap ko iyon dahil iyon nga naman din ang nais ko.

“Oh Jam ayan ah? Friends na tayo heheh” Masayang sambit niya.

“Oo, salamat.” Matipid kong sabi.

“Ang tipid mo magsalita. Ganyan ka ba? Dapat happy ka! Dapat madami ka sinasabi.”

Napansin nga niya ang matitipid kong diyalogo. Hindi kasi ako sanay makipag-usap lalo na sa mga katulad niya, may hiya akong nararamdaman sa kanya. Sa ayos pa lamang ng kanyang damit at sa ganda ng kanyang postura ay natitiklop ako. Kumpara sa akin na mukhang busabos ang hitsura. Sa ayos pa lamang ng buhok ay talo na ako. Mukhang kumpleto siya sa lahat mula ulo hanggang sa talampakan nito. Alagang-alaga ng kanyang Mommy kaya siguro ang guwapo niyang tignan.

Nagpatuloy siya sa mga kuwento. Napakadami niyang kuwento sa akin, noong tinungo namin ang salas nila ay kumuha ito ng isang photo album. Puro litrato niya ang nandoon simula sanggol pa lamang hanggang sa kasalukuyang litrato niya. Bawat turo niya sa mga litrato ay may kuwento ito.

“Here’s my picture noong nag dedede pa ako. Sabi ni Mommy mahilig ako sa dede. Pero noong nag 5 years old ako they said na tinapon na nila ‘yung dede ko and i cried.” Kuwento niya sa akin. “Mommy did you really get rid of my dede?” Dagdag pa niya na tugon iyon sa kanyang Mommy.

“Oo Jam, malaki ka na kasi and ang pangit naman kung until now you are still sucking you dede. What if kung dumedede ka pa ngayon and makikita ni Rich?” Wika ng Kanyang Mommy.

“No way Mommy! Nakakahiya kaya! And I’m already 8 years old!” nakakunot ang kanyang noo habang sinasabi niya iyon.

Natawa na lamang ang kanyang Mommy, dahilan ng parang pagkahiya nito sa akin. Tinago na lamang niya ang Photo album. Hinila niya muli ang aking kamay at tutungo kami paitaas ng hagdan.

“Come on Rich let’s play my toys instead!” Masayang wika niya.

Sa ilang oras na iyon ay masaya kaming nagsayang ng oras sa paglalaro, kuwentuhan at tawanan na ngayon ko lamang ito naranasan. Ang saya sa pakiramdam na ang sana na maging kaibigan ko si Jam ay heto na pala iyon. Parang itinadhana ang lahat sa amin na biruin mo ay napadaan lamang ako sa kanilang bahay at ngayon ay nasa loob na ako nito.

Lumipas ang ilang oras ay nagpasya na akong mag-paalam. Alas tres na noon at dapat ay nasa bahay na ako upang magsaing para sa pagdating nana Nanay at Tatay ay may kanin nang nakahanda sa mesa. Nagpaalam na ako Kay Jam, pati na din sa Mommy niya.

“Jam mauna na ako ha? Kailangan ko na kasi umuwi. Maghahanda pa ako ng aming sinaing para mamayang hapunan. Gagawin ko pa din ‘yung mga assignments ko.” Wika ko Kay Jam.

“Ganoon ba?” Malungkot na sambit nito.

“Don’t you worry Jam, bukas babalik si Rich dito sa bahay. Hindi ba Rich?” Wika naman ng kanyang Mommy.

“Uhm. Opo. Pero nahihiya po ako.” Mahina kong sabi.

“Huwag ka na mahihiya. Welcome ka sa bahay namin anytime na gusto mo. Para may kalaro ka din at may kalaro din si Jam.”

“Uhmm sige po susubukan ko po bukas”. Sagot ko sa kanyang Mommy.

Paalis na ako noon nang hinawakan muli ni Jam ang aking braso. Mahilig mang-hila si Jam ng braso na parang matatanggal na nga sa lakas ng pagkakahila.

“Wait Rich! I have something to give you.” Wika niya.

Tumakbo paitaas si Jam. Nagmamadali ito dahil sa bilis ng pagtakbo paitaas nito. Bakit kaya ako pinag-aantay? Mukhang may kukunin siya. Akala ko may nakalimutan ako kaya tinignan ko ang aking bag ngunit kumpleto naman ang aking mga gamit. Kung sa bagay ay madalas ako mawalan ng gamit. May araw na nawala ang aking lapis na hindi ko malaman kung paano naglaho. Minsan ay ang aking Grade 2 na papel din ay biglang nawala kaya kapag sa tiwing gabi na tinignan ni Nanay ang aking mga gamit at may napansin siyang may nawawala ay napapagalitan ako. Kaya ngayon ay binubusisi ko palagi ang aking mga gamit.

Mga ilang minuto lang ay bumaba na si Jam. May dala-dala siya na isang plastic bag. Nang nakababa at tumakbo ito papunta sa akin, ngumiti at inabot sa aking iyon.

“Since i have many clothes and toys, i will give you some of those. I do hope you like it!” Nakangiting sagot ni Jam.

Pagbukas ko ay tumambad sa akin ang isang pares ng tsinelas, mga damit at dalawang stuff toys na Mickey Mouse. Natuwa ako noong makita ko ang mga iyon lalo na sa dalawang stuff toys na iyon. Kakaibang saya dahil sa buong buhay pagkabata ko ay ngayon lamang ako nabigyan ng ganoong bagay na para sa akin ay regalo na maituturing. Kitang-kita nila ang aking saya. Hindi ko na nga pinansin ang mga damit at ang tsinelas at niyakap ko ng pagkahigpit ang dalawang stuff toys. Natatawa ang mag-ina sa asal na naipakita ko kaya bigla ako natigil at napayuko.

“Haha! Ang ganda ‘di ba? Favorite ko ‘yan si Mickey Mouse and ‘yang binigay ko sa ‘yo, iyan ang aking first Mickey Mouse. So keep it okay?” Masiglang sambit ni Jam.

“Oo naman! Maraming salamat sa mga ito! Thank you Jam! Thank you po din uhmm Mommy ni Jam.”

Hindi ko alam paano ko tatawagin ang Mommy ni Jam . Hindi ko din masabing ate dahil nakikita ko sa kanila na mayaman sila at nakakahiya na tawagin na ate ang Mommy niya. Naiisip ko din tawagin na Ma’am ngunit baka magmukhang teacher ang dating nito sa kanya.  

“And the slippers. Si Daddy ang may idea na ibigay sa ‘yo. Kasi as what we saw malapit na masira yung slippers mo. Oh try it on na!” Hirit ni Jam. “Dapat siya ang magbibigay pero kasi nandito ka na kaya ako na nagbigay. Nagpaalam na ako kay Daddy na ako na ang magbibigay.” Dagdag pa niya.

“Si Jam talaga ganyan lagi ‘yan gusto niya siya ang nagbibigay. Oh Rich 3 na ng hapon. Oh siya mauna ka na at baka gabihin ka. Malayo ba dito ang bahay ninyo?” Wika ng Mommy ni Jam.

“Malapit na po. Mga ilang lakad la lamang po. Sa bayan po kami nakatira.” Mahinhin kong sagot.

“Oh siya at mag-goodbye na muna kayo sa isa’t-isa. Ingat ka sa labas okay?” Pangiting paalala ng Mommy ni Jam sa akin.

Nagpaalam na ako. Lumapit si Jam sa akin at nabigla ako sa ginawa nito sa akin. Niyakap ako nito ng mahigpit. Nakatayo lang ako noon habang dala ang plastic at ang aking bag. Sa yakap na iyon parang hindi niya inalintala ang aking kadugyutan kumpara sa kanya na ubod ng ayos sa sarili. Hindi ko siya mayakap kaya dinantay ko na lamang ang aking ulo sa kanyang balikat.

“Balik ka ha? Marami pa tayo gagawin.” May kahinaan ang pagsabi nito sa akin ni Jam.

Tuluyan na akong lumisan sa kanilang tahanan, dala ang saya dahil sa mga dala kong mga bigay sa akin ni Jam. Nais ko na makauwi ng maaga noon dahil sa sobrang nagagalak ako sa mga stuff toys na ibigay sa akin. Ipapakita ko kay Nanay ang mga iyon at baka matuwa iyon sa makikita niya. Ngunit mas natuwa ako sa pagtuloy ko sa bahay nina Jam at ang aming mga masasayang oras. Kung tutuusin ay karaniwan sa mga bata iyon pero sa akin ay unang pagkakataon iyon na naging masaya ang pakikipaglaro ko kay Jam. Binuo niya ang aking pagkabata. Sa mga ngiti niya na talagang cute kung pagmamasdan, ang kanyang makinis at maputing balat na malayo sa aking kulay, ang kanyang mga mata. Hindi na ako magtataka na kapag lumaki siya ay may maipagyayabang siya pagdating sa kaguwapuhan.

Nakauwi na ako sa bahay. Agad-agad ako nag bihis ng pambahay at nagsaing na. Matapos ay tinapos ko na ang aking mga takdang aralin. Naabutan ako ni Nanay na abala sa pag-gawa noon. Napatingin ako sa kanya at nakita ko ang tamis ng ngiti nito sa akin.

“Ang sipag ng aking anak ah?” Tugon niya.

Nilapitan ako at sinalubong ng yakap at mga halik. Nakakatuwang maramdaman sa isang magulang iyon. Ngunit kay Tatay ay hindi ko nadanasan ang ganoon. Imbes na yakap at halik ay puro masasakit na pananalita. Patungo na siya sa kuwarto noon ng makita niya ang plastic na nasa kuwarto.

“Rich ano itong plastic?” Tanong niya.

“Nanay may bago pala akong kaibigan. Jam ang kanyang pangalan. Nakatira sila doon sa malaking bahay. Sa bungad lamang sila paglabas ng bayan” Sagot ko.

Inilabas niya ang mga iyon. Lumapit siya sa akin. Ngumiti ito.

“Talaga anak? Sa itsura ng mga ibinigay sa iyo ay hindi biro ang mga presyo ng mga ito.” Tugon niya habang sinusuri ang mga damit.

“Opo kasi po mayaman po sila. Pro mabait po sila.” Sagot ko. “Iniligtas nga po nila ako sa kamuntikan na kapahamakan.

“Ano?!” Gulat na wika ni Nanay.

Binitawan niya ang mga damit at rinignan ang buong katawan ko.

“May galos ka ba? May masakit ba sa iyo? May nangyari bang masama?” Dagdag pa niya.

“Huwag po kayo mag-alala Nanay. Kung hindi dahil sa kanila ay baka. . “

“Huwag mo na ituloy.” Wika ni Nanay at niyakap ako nito ng mahigpit. “Anak sorry dahil hindi kita masubaybayan sa araw-araw. Kapag nasa trabaho ako ay hindi maiwasan ng Nanay na mag-alala sa iyo. Kaya pala kanina ay nakakaramdam ako ng kaba ngunit nawala din agad. Mahal na mahal kita anak kaya ingatan mo sarili mo ha?” Tugon niya habang yakap ako.

Naramdaman ko ang wagas ng pagmamahal ng isang ina sa anak. Mahal na mahal ako ni Nanay at ramdam ko iyon sa kanyang yakap. Ang pagmamahal na sabi nila ay hindi matutumbasan ng kung sino. At mapalad ang tulad ko dahil kahit sa ganito ang aming buhay at may kayamanan kaming maipagmamalaki, kayamanan ng pagmamahal. Kahit kay Nanay ko lang iyon nararamdaman ay sapat na iyon para masabi ko na may nagmamahal sa akin. Hindi man gawin sa akin ni Tatay iyon ay may alam ako na totoong magmamahal sa akin, si Nanay. Mabuti nga may dalawa akong magulang para isa man sa kanila ay nagkukulang, mayroon pa din isa na magpupuno ng mga pagkukulang na iyon.

Nagkwentuhan kami ni Nanay. Ang dami kong kwento sa kanya, ‘yung mga kaganapang nangyari sa akin ng buong araw na iyon. Nakikinig ng maigi sa akin si Nanay, na parang natutuwa sa pinapakita ko sa kanya.

“Aba anak! Nanibago ako sa iyo at ang dami mong kuwento. Ikaw ba iyan anak ko?” Wika niya sa akin.

“Opo ako po? Bakit po Nanay nag-iba na po ba itsura ko? Nangitim siguro ako kaya hindi na ako nakilala ni Nanay.” Pabiro ko.

“At nagbibiro ka na ha? Halika nga dito at makiliti kita.” Lumapit sa akin si Nanay at kiniliti ang aking bewang na tumawa ako ng sobra.

Habang naghaharutan kami at dumating si Tatay, pagod na pagod ito, hingal na hingal. Namumutla ito at hindi mapalagay. Nangangatog. Napansin ko din ang sando niyang puti na may bahid ng pulang mantsa. Kinilabutan ako bigla. Kakulay iyon ng dugo na kapag nasusugatan ako ay ganoon ang kulay. May sugat siguro si Tatay ngunit kalat sa kanyang sando ang pulang matsa na ito. Maya-maya lamang ay may narinig kaming sirena na naririnig ko sa kotse ng pulis. Teka, may pulis na paparating. Sabi ni Teacher ang mga pulis ay nanghuhuli ng mga masasamang tao it kinukulong ito. Kung gayon ay may huhulihin sila. Pero sino? Tumayo si Nanay at hinawakan ang dalawang balikat ni Tatay. Nangangatog si Tatay.

“Ernesto ano itong nasa damit mo? At bakit parang sa atin papunta ang mga pulis?!” Malakas na sigaw ni Nanay kay Tatay.

“Naka. . .naka. . .”

“Naka ano?!” Tugon ni Nanay. “Rich doon ka muna sa kuwarto at i lock mo ang kwarto.” Dagdag ni Nanay.

Nagtungo ako sa kuwarto ngunit hindi ko iyon ni lock. Naguguluhan ako sa mga pangyayari. Dumating lang si Tatay ng ganoon, pati si Nanay ay hindi na din magkandaugaga. Gusto ko malaman ang lahat kaya nakasilip lang ako sa pintuan. Dinig ko ang kanilang mga pagbabato ng usapan.

“Nakapatay ako. . Itago mo ako Imelda!” Sambit ni tatay na tila ay takot na takot ito.

“Ernesto bakit! Anong ginawa mo?! Anong gulo ang ipinasok mo?! Magsalita ka!” Galit na sambit ni Nanay.

“Nagkainitan kami ng ulo ni kumpare. Nandilim ang paningin ko. May patalim sa mesa ng pinag-iinuman namin tapos. . . tapos. . .”

“wang-Wang”

“Ang mga pulis! Imelda parang awa mo na! Itago mo ako!”

Nataranta si Nanay. Hawak niya ang kanyang ulo at palakad lakad na hindi malaman saan pupunta habang si Tatay ay nangangatog. Wala pang ilang minuto ay ay sumipa ng malakas sa aming pinto. Natakot ako noon kaya sinarado ko na ang pinto ng kuwarto. Nagtungo sa higaan at umupo, takip ng aking mga kamay ang aking mga tainga. Hindi ko na nadinig ang usapin ngunit ang pagsisigaw ni Tatay at Nanay ang nadidinig ko. Nadinig ko din ang pangalan ko.

“MALAS IYANG ANAK MO AT NAPAHAMAK PA AKO! MALAS SIYA!”

Isa sa mga naalala kong isinigaw niya. Malas daw ako. Parang sa akin pa ang dahilan bakit nangyari ang isang hindi magandang pangyayari na iyon. Naiyak na lamang ako dahil base sa tono ng pananalita ni Tatay ay pagalit iyon. Naiisip ko na din na ako ang sinisisi ni Tatay sa lahat. Simula pa noon hanggang ngayon ay sa akin niya binabato ang lahat. Ano ba ang kasalanan ko? Malaki ba ang epekto sa kanya simula nang mabuhay ako? Kung iisipin ko ngayon ay parang kasalanan pa ang mabuhay ako dahil sa mga hindi magagandang pangyayari sa amin. Malas nga ba ako? Ako ba ang dahilan ng lahat ng kamalasan sa buhay na mayroon kami? Heto na nga ba ang sumpa sa akin ni Lola noong pinagbubuntis pa lamang ako ni Nanay? Naiyak na lamang ako noon. Dama ko ang galit sa akin ni tatay.

Makalipas ang mahabang oras ay narinig ko muli ang sirena ng pulis. Papalayo na ito dahil sa humuhina na ang tunog. Nakaupo pa din ako nang kumakatok si Nanay sa pinto. Binuksan ko ito at nang mabuksan ay bigla akong niyakap ni Nanay. Iyak ng iyak si nanay. Malakas ang pag-iyak na iyon.

“Wala na si Tatay mo,ikukulong na siya!” Sambit ni Nanay habang naiyak.

Himuli si Tatay ng mga pulis, ang ibig sabihin ay may masama siyang ginawa. Pero bakit sa akin pa din niya sinisisi iyon? Niyakap ko si Nanay. Napaiyak na din ako.

Isang masayang araw ngunit napalitan ng masalimuot na gabi. Wala na si Tatay. Ang sabi ni nanay ay nakapatay daw ang Tatay gawa ng may nakainitan ito sa kanto. Ako daw ang dahilan. Inaasar ang Tatay na nagkaroon ng malas na anak. Hindi na itinuloy ni Nanay ang kuwento dahil maselan daw ang mga sumunod na pangyayari. Niyakap niya ulit ako. May sinabi siya sa akin.

“Anak huwag mong iisipin ‘yung mga sinasabi ng Tatay mo na malas ka. Hindi iyon totoo. Kasalanan din ni Tatay mo iyon at hindi mo iyon kasalanan. Alam ko na alam mo na ang ibig sabihin ng malas.”

Alam ko na iyon hindi dahil sa tinanong ko sa iba kundi dahil ramdam ko ang salita na iyon. Ngayon ko nararamdaman ang kirot ng salita na iyon sa akin na kung dati ay akala ko na mura iyon.Simula ng iyon ay nanatili sa akin ang salita na iyon. Malas. Siguro nga dahil sa mga kuwento sa akin ni Tatay. Dati daw ay masaya sila sa buhay, mayaman si Tatay noon. Kung hindi daw dahil sa akin ay hanggang ngayon ay mayaman pa din daw siya. Ngayon daw ay walang makain, walang matinong tirahan, matinong buhay. Lahat daw ng ito ay sumulpot dahil sa kamalasan ko. Baka nga siguro malas ako sa buhay nila. Baka wala naman talaga ako natitutulong at puro oangit ang lahat sa amin.

Simula noon ay bumalik ako sa pagiging tahimik. Kinabukasan ay nag-iba ang aking pagkatao. Tahimik, hindi nakibo. Kahit na dumaan ako noon sa bahay nila Jam pagpasok ay nilagpasan ko na lamang iyon. Hanggang sa nakarinig ako ng tawag.

“Rich!”

Si Jam iyon na tinatawag ako. Huminto ako at lumingon. Lumapit siya at mahigpit niya akong niyakap. Ngunit wala akong tugon sa kanya kahit ngiti.

Nakita ko palapit ang kanyang Mommy, natakbo ito at nang lumapit ay hinila si Jam papasok sa bahay. Kunot ang noo nito nang tumingin sa akin. Natakot ako sa ganoong pagtingin sa akin ng kanyang Mommy. Hindi ko maintindihan kung bakit.

Matapos ang isang masayang araw kahapon ay napalitan ng hindi maganda, mas masakit at alam ko ay nakadating na din sa lahat ng tao ang krimen na ginawa ng aking Tatay. Ramdam ko dahil paglabas pa lamang ng bahay ay inaasar ako na mamamatay tao ang aking Tatay. May iba na ayaw na sa akin lumapit dahil anak daw ako ng kriminal. Siguro ganoon din ang nasa isip ng Mommy ni Jam.

Nakita ko ang pagpasag ni Jam habang hili-hila ang kanyang braso. Tila ang isang magandang pangarap ay panandalian lamang. Nawalan na din ako ng kaibigan. Mas nadama ko ang aking kamalasan sa mundo. Bakit pa ako nabuhay kung may kamalasan ako? Bakit hinayaan pang lumaki ako na alam nilang may dala akong kamalasan, na sinumpa ako? Sana pinatay na lang nila ako. Sana hindi na lang ako nabuhay.


Hanggang sa mga dumaan na araw, buwan at taon ay nagbago ako. Sa mga lumipas na taon na iyon ay dama ko pa rin ang pilat na iniwan sa akin. Habang lumalaki ako ay naiisip ko na ang lahat. Mas naisip ko na ang kahulgan ng malas. Tama, isa nga akong malas.

2 comments:

  1. chapter 4 agad.... nice eric........ keep it up.. gandan,,,,

    ReplyDelete
  2. Maganda ang storya at pgkakalahad nito. Maliban s mga spelling ng ibang mga salita, na maaaring s pgmamadali s pg-type o typographical error n tinatwag. Review-hin muna cguro bgo i-finalize at i-post. Suriin mabuti ang mga salitang ginagamit kung ito ay angkop o hndi. Tulad ng "dialogo" na dpt gmitin ay "pkikipg-usap". Improve your skill and I'm sure that you will go far, bcoz you have a given talent in story writing!! Keep it up friend and may the Good Lord increase your talent as you grow older!

    ReplyDelete